LAHATIN DAPAT

DPA ni BERNARD TAGUINOD

NAGLUNSAD ang militanteng grupo ng boycott campaign laban sa mga senador na pumabor sa pagbabalik ng Reserved Officer Training Corps (ROTC), at miyembro ng political dynasty sa mataas na kapulungan.

Wala akong problema sa kampanyang ito lalo na sa kampanya laban sa political dynasty pero mukhang may kulang dahil kung talagang gusto nilang gantihan ang mga mambabatas na sumuporta sa ROTC ay dapat idamay ang mga congressman.

Hindi sa kinakampihan ko ang mga senador pero sa sistema ng paggawa ng batas, hindi lang ang Senado ang nagdedesisyon o nag-aapruba dyan at karaniwan nagsisimula ‘yan sa Mababang Kapulungan as in Kamara.

Naunang naipasa ang ROTC sa Kamara at mahigit 200 congressmen ang bumoto nang pabor sa panukalang ‘yan kaya kung meron silang dapat singilin din ay ang mga nasa Mababang Kapulungan.

Hindi naman magiging batas ang isang panukala kung Senado lang ang nagpasa. Kailangang dalawang kapulungan ang magpasa para maging batas pero bakit isang bahay lang ang sisingilin, hindi ba?

Kasama rin ako sa nangangarap na sana ay mabuwag na ang political dynasties para magkaroon din ng pagkakataon ang iba na magsilbi sa bayan at hindi na pera-pera ang labanan kapag panahon ng eleksyon.

Pero kulang din ang kampanya ng mga militanteng grupo laban sa political dynasties dahil mukhang mga senador lang ang kanilang tinatarget at hindi rin kasama ang mga congressman na 70% sa kanila ay mula sa pamilya ng mga politiko nagpapalit-palitan lang sa puwesto.

Kahit mawala ang mga senador na nabibilang sa political dynasty, hindi pa rin mabubuwag ‘yan dahil sa Kamara ay tambak ang mga congressman na may political dynasty kaya dapat isama rin sila sa anti-political dynasty campaign.

Huwag din kalimutan ang nasa local executives dahil kung hindi man lahat, karamihan dyan ay may political dynasty rin kaya karamihan sa mga bayan at lungsod ay umiikot lang sa isang pamilya ang pamumuno.

Sa mga probinsya na karaniwang hindi napapansin ng mainstream media, pinamumunuan ‘yan ng isang pamilya lang. Pagkatapos ng termino ni Mister ay papalit si Misis. Madalas din na Mayor si Mister at Vice Mayor si Misis.

Hindi pa sila kontento, pinatatakbo pa nila ang kanilang anak bilang sangguniang board member at siyempre nananalo kaya family affairs na ang nangyayari at isang uri ‘yan ng political dynasty kahit wala silang kapamilya na nakaupo sa Senado o Kamara.

Kaya para sa akin, bitin ang kampanya ng militanteng grupo at hindi rin ‘yan magtatagumpay hangga’t ayaw ng Kamara at Senado na simulan ang paggawa ng batas para ipagbawal ang magkakaanak na tumatakbo sa iba’t ibang posisyon.

1

Related posts

Leave a Comment