Ang Landbank of the Philippines, isa sa mga bangko sa bansa na “nanenokan” ng Hanjin Heavy Industries and Construction Philippines (HHIC) ng may P21 bilyon na loan ay matagal nang pumapalpak sa paghawak ng pera at pagbibigay ng prayoridad sa sektor na kanilang pinopondohan.
Taong 2016 pa lamang ay pumupugak-pugak na ang mother company ng HHIC na nakabase sa Singapore, ang Hanjin Shipping Co., Ltd. In fact, Abril 2016 pa lamang ay nag-apply na ito ng debt structuring sa mga creditors nito sa nasabing bansa at Pebrero 2017 ay idinekalara na itong bankrupt ng South Korea government.
Bakit nakautang pa ito sa Landbank at sa apat pang ibang bangko sa Pilipinas gayong bangkarote na nga? ‘Yan ang malaking misteryo. Hindi na rin lingid sa kaalaman ng marami ang sistema ng ilang bangko na may mga executives na aayusin ang loan application ng isang nangungutang, lalo’t isang kilalang kumpanya, kapalit ang komisyon. Lalo na sa Landbank na pag-mamay-ari ng gobyerno. Kung may korapsyon sa mga ahensiya ng pamahalaan, e huwag nating ibahin ang Landbank, may komisyunan na umano diyan noon pa man.
Nasa $85 milyon ang nautang ng Hanjin sa Landbank, samantalang kung bubusisiin ang mandato nitong bangkong ito ay dapat naka-focus sa mga magsasaka at mga mangingisda ang pagtulong nito. Bakit sa isang naluluging foreign-owned company? Aba! Matindi ang kumisyunan?
Ako ay siguradong may madadale diyan sa bangkong ‘yan kung ipapa-lifestyle check natin ang ilang opisyal diyan, lalong-lalo na ang mga may kinalaman sa loan approval at release.
Namamatay sa hirap at gutom ang mga magsasaka at mangingisdang PIlipino tapos ibibigay lamang ng Landbank ang higit sa P4 bilyong pondo sa isang banyagang kumpanya? Ang matindi pa nito ang sasabihin ng Bangko Sentral ng Pilipinas na “very negligible” ang exposure na ito sa Hanjin? Wow! Nasaan ang mga utak ninyo?
Isang malaking “raket” ang Hanjin na ‘yan, lalong-lalo na ‘yang nasa Subic, ang pinagkakitaan na lamang ng mga executives n’yang mga kumpanyang ‘yan ay ang mga loans nila sa mga nakakasabwat na mga executives ng mga bangko. P21 bilyon po ‘yang salapi na ‘yan at malamang nasa iba’t ibang beaches at cruise ships sa buong mundo ang mga executives na ‘yan na pawang “nagpapasarap”! E ‘di wow!
Laliman pa natin ang imbestigasyon diyan, kahit batang musmos hindi mapapaniwala na walang anomalyang nangyari diyan. Pagkakataon din ito ng pamahalaan na maging totoo sa mga manggagawa dahil hindi lamang ang mga bangko ang may hinahabol dito kundi ang may 40,000 na mga manggagawang nagamit lang sa raket ng mga “criminal mastermind” sa likod ng Hanjin. (For the Flag / ED CORDEVILLA)
356