Para kay Leni Robredo ay 1% lamang umano ang epekto ng war on drugs ng pamahalaan. Ngayon sino naman ang maniniwala sa kanya?
Anong nangyari sa milyon-milyong sumuko sa pamahalaan? Ano na ang libo-libong naka-graduate sa mga rehabilitation center? Ano na ang bilyon-bilyong pisong nakumpiskang ilegal na droga? Ano na ang mga druglord, drug pusher at drug user na napaghuhuli ng awtoridad? Ano na ang bumukas na kooperasyon ng iba’t ibang bansa ukol sa mga international syndicate ng droga?
Mukhang naging bulag at bingi na ang bise presidente. Sa katunayan, dahil sa seryosong pagpapatupad ng administrasyon sa drug war nito ay unti-unting nalalagas na ang mga masamang elemento sa bansa, kasama na ang mga criminal, pu¬shers at mga drug lord.
Sumikat din ang Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa buong mundo dahil sa kanyang mahigpit na pagpapatupad ng digmaan kontra droga.
Kaya naman maaalalang na-intercept ng mga awtoridad ang may P6.4 bilyong halaga ng shabu shipment noon na kinasangkutan ng mga ismagler sa Bureau of Customs (BOC). Ito ay dahil na rin sa tip na mula sa mga awtoridad ng Tsina. Dahil sa kredibilidad ng administrasyon sa pagpuksa sa droga sa bansa ay hindi nangingimi ang mga taga-ibang bansa na makipagtulungan sa ating bansa.
Isang shabu laboratory na nagpo-produce ng may 25 kilo o P125 milyong ha¬laga ng ilegal na droga kada araw ang nabuwag at ilang mga bodega na pinaggagawaan ng shabu ay sinalakay din.
Mayroon ding listahan ng mga barangay chairmen na sangkot sa droga ang nabigyang pansin ng pamahalaan kaya naman ilang mga barangay sa bansa ay certified drug-free na.
Dahil na din sa matagumpay na kampanya ng pamahalaan kontra sa droga ay bumagsak na ang crime rate sa bansa. Hindi rin pinatawad ng kampanya ang mismong mga pulis na sangkot sa droga, ang iba’y heneral pa nga.
Kaya naman hindi kataka-taka na bumubulusok ang kredibilidad ni Leni dahil sa mga news spin na nagmumula sa kanyang mismong bibig.
Mukhang nagkakalinaw na siya at ang mga kabaro niyang dilaw ang tunay na mga source ng fake news sa bansa na sinusuportahan naman ng mga bayarang media outfit at practitioner sa bansa.
Malinaw naman na kasi ang koneksyon ng ilang mga kritiko ng pangulo na nasa media ay sa dilaw kaya hindi din masisi ang ating mga kababayan na imbes na sa mainstream media kumuha ng balita ay umaaasa na lamang sa Facebook at YouTube para sa mga latest na balita. (FOR THE FLAG / Ed Cordevilla)
210