LIFTING NG DEPLOYMENT BAN SA SAUDI, INAPELA NG MGA OFW

Aksyon OFW

MAPAGPALANG araw, mga ka-Saksi at mga kabayani!

Apektado ang mahigit sa sampung libong Overseas Filipino Workers (OFWs) sa ipinatupad na deployment ban ng pamahalaan ng Pilipinas, as of February 2022.

Bukod sa deployment ng Household Service Workers, inihinto na rin ang deployment ng construction workers para sa bagong projects sa Saudi hanggang hindi pa na-se-settle ng mga ­employer ang bayad sa back wages ng higit 11-libong manggagawa, dalawang taon na ang nakalipas.

Noong October 2021, hiniling ng DOLE kay ­Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng deployment ban sa Saudi Arabia dahil hindi pa nagbabayad ang ilang employers ng may unpaid salaries at end-of-service benefits na higit P5.1 billion.

Sa kabila na naipanalo na ang kaso ng mga OFW laban sa kanilang employers, hanggang ngayon ay wala pa ring nagiging kabayaran.

Humihingi ng pang-unawa si Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga OFW at manpower agencies na apektado ng deployment suspension dahil kinakailangan iparamdam ng Pilipinas sa kaharian ng Saudi Arabia ang mga pag­labag ng ilang employers sa mga OFW.

Nakikiusap ang mga aplikanteng OFW kay Sec. Bello na tanggalin na ang deployment ban sa Saudi para makaalis na sila at makapagtrabaho para sa kanilang mga pamilya.

Masidhi ang pagnanais ng ating mga kababayan na makipagsapalaran sa Saudi Arabia kahit pa may mga report ng panggagahasa at pang-aabuso ng mga amo.

Hindi raw sila mapipigilan ng gobyerno para lang makapag-provide ng kailangan ng kanilang mga pamilya, lalo na ang mga single mother na hangad ay mabigyan ng marangal na buhay, mapag-aral at mapakain ang mga anak.

Pahayag ng isang OFW na bagong aplikante, ­”willing po akong mag-abroad kahit mahirap para sa mga anak ko. Kasi tulad ko, single mother ako, tatlo ang anak ko. Need ko po talaga ng trabaho ngayon. Nakasubok na po akong magtrabaho dito sa bansa pero P300 lang per day, kulang pa rin ang kinikita ko, kaya gusto ko pong ­mangibang bansa”.

Depensa naman ng isang balik manggagawang OFW, naranasan na rin niyang magtrabaho sa Saudi pero hindi naman lahat ng Arabo ay masamang employer.

“Hindi naman po lahat ng employers masama. Ang mga employer naman sa Saudi ay may mababait din. Desidido kami sa Saudi na magtrabaho bilang kasambahay. Lakas ng loob at dasal.”

“Buo talaga ang loob ko na magtrabaho sa ibang bansa. Excited na po ako na magbyahe at magtrabaho kaso may suspension pala ng deployment sa Saudi. Naiiyak po kasi ako dahil nasa 20,000 pesos ang nagastos ko sa pag-apply,” ayon pa sa isang bagong ­aplikateng OFW.

Paalis na sana ang mga OFW noong December 2021 pero naabutan sila ng suspensyon ng deployment sa Saudi Arabia.

Umaapela rin ang AKOOFW Party-list (#10 sa balota) kay Sec. Bello na i-lift na ang ipinaiiral na deployment ban sa Household Service Workers sa Saudi Arabia.

Sa press conference sa Eurotel, sinabi ni Bong Concha, advocate ng AKOOFW party-list, kailangan nang tanggalin ang deployment ban dahil nagkaroon ito ng “collateral damage” sa maraming OFWs na umaasang makapagtrabaho sa Saudi at maraming nawalan ng trabaho sa mga manpower agency.

Simula pa noong December 2021, na-stranded aniya ang libu-libong OFWs na may kontrata na sa ilang Saudi companies, pero hindi pa makalipad dahil sa umi­iral na deployment ban ng DOLE.

Nananawagan naman si AKOOFW party-list 1st nominee Dok Chie Umandap kay Sec. Bello na pakinggan ang hinaing ng mga OFW na siyang tanging inaasahan ng kanilang mga pamilya, lalo na ngayong krisis dahil sa pandemya.

“Ang AKOOFW ay boses, tinig ng mga OFW, ang kanilang panawagan ay ating ipinararating. Kung ‘di rin lang sila mapipigilan sa kanilang pangarap, Ang AKOOFW ay nananawagan kay Sec. Bello, kung maaari ay mabigyan sila ng pagkakataon at hindi mawala ang oportunidad,” ayon kay Umandap.

Mungkahi naman ni Umandap na baka may iba pang paraan sa pamamagitan ng ugnayang diplomatiko o backdoor channel sa Saudi government para mabayaran na ang may 11,000 OFWs na natanggal sa trabaho at mai-lift na ang ban sa mga HSW sa Saudi Arabia.

Noong 2021, sumulat na rin si Pangulong Rodrigo Duterte sa hari ng Kingdom of Saudi Arabia, pero wala pa rin itong kasagutan sa apela ng pamahalaang Pilipinas na mabayaran ang mga apektadong OFWs.

Harinawa’y mabuksan ang isip ni Sec. Bello na matanggal na ang ban dahil maraming pamilya na ang nagugutom sa kabiguan ng OFWs na makaalis ng bansa at makapagtrabaho sa Saudi sa lalong madaling panahon.

Para sa inyong sumbong, reaksyon, opinyon at suhestyon, mag-send lang sa dzrh21@gmail.com.

79

Related posts

Leave a Comment