LUZON RAIL PROJECTS ANG SUSI SA PAG-UNLAD

USAPANG KABUHAYAN

MAHIGIT kalahating milyong pasahero araw-araw ang kayang dalhin ng binabalak na commuter train mula Clark sa Pampanga patungong Malolos, Bulacan kung saan kinukumpleto ang bagong MRT-7 na didiretso sa Ayala sa Makati City, pati na ng bagong commuter train na itatayo mula Calamba, Laguna papuntang Manila ‘pag makumpleto na ang mga ito sa taong 2023.

Mahalaga ang commuter train service para maging mas mabilis at maalwan ang biyahe ng taumbayan mula sa tinatawag na “overnight capital” ng Metro Manila na mga bayang kalapit sa probinsiya ng Bulacan at Pampanga sa Norte at Laguna at Batangas sa Southern Tagalog.

Hanggang ngayon ay libu-libo nating mga kababayan na may trabaho sa iba’t ibang bayan sa Metro Manila ang bumibiyahe mula sa mga bahay nila sa Pampanga at Bulacan at Laguna at Batangas, tinitiis ang ilang oras sa kalye sa pagbabalik-balik sa kanilang bahay at trabaho para lang may kitaing sweldo na kailangan ng kanilang pamilya. Libu-libo rin ang nagtitiis sa mga tinatawag na squatter areas para hindi na nila kailangang bumiyahe araw-araw pero lagi naman silang nasa panganib sa buhay o ari-arian dahil sa krimen o sa mga sunog o sakit na dala ng mga dikit-dikit at mataong pamahayan.

Natural na magkaroon ng commuter train mula sa mga malayong lugar patungo sa Metro Manila dahil isa itong pangangailangan ng mga trabahador at maging ng mga negosyo na umaasa sa mga pamimili ng mga nagbibiyaheng tao. Labis nga ang kamalasan natin na sa sunud-sunod na pamahalaan na inihalal natin simula noong mapatalsik si Ferdinand Marcos noong 1986 ay hindi naging matapang na ipagawa ang mga ganitong proyekto sa kabila ng mga kaso sa korte o mga batikos ng oposisyon.

Isa pang nakakalungkot ay ang mga angas-angas na ang mga preparasyon para sa mga ganitong proyekto gaya ng paglilikas ng mga informal settlers sa mga squatters’ area na nasa daanan ng mga pinlanong commuter train ay nabalot dun ng korapsyon dahil may alokasyon na bilyon-bilyon para sa mga bagong pabahay at benepisyo para sa mga ililikas na pamilya. Kalat din ang tsismis na kapalit ng mga kontrata para sa mga pinalong proyekto ng commuter train ay nakatanggap ng suhol na bilyon-bilyon ang mga dating lider ng ating bansa.

Sa anupaman ang nangyari, umaasa tayo na matutuloy na sa wakas ang mga nasabing proyekto ng ating pamahalaan para maibsan na ang araw-araw na hirap na dinadanas ng daan-libo nating mga kababayan. Nawa’y maging totoo ang mga pangarap ni Juan para maging mas maunlad ang ating bayan. Usapang Kabuhayan / BOBBY CAPCO

132

Related posts

Leave a Comment