MAGTULUNGAN TAYO KONTRA EPIDEMYANG ASF VIRUS

POINT OF VIEW

Dumating na sa Pilipinas ang matagal nang kinakatakutan sakit na mula sa ibang bansa — ang epidemyang African swine fever (ASF) virus na umaatake sa mga alagang baboy na nakasisira sa ating hog industry sa kasalukuyan.

Sa pangyayaring ito, ang Pilipinas na ngayon ang itinuturing na pinakabagong bansa na makakabilang sa mga bansang dinapuan ng ASF virus na umaatake sa piggeries.

Ito ay matapos na kumpirmahin ng laboratory results mula sa United Kingdom na ang sanhi ng pagkamatay ng mga alagang baboy sa Bulacan at Rizal ay positibo sa ASF virus, ayon sa Department of Agriculture.

Ang DA ay nagpadala 20 blood samples sa OIE (World Organization for Animal Health) reference laboratory sa England at sa kabuuang bilang, 14 blood samples at nakumpirma na nakitaan na nagpositibo sa ASF.

Ang blood samples na ito ay galing sa nagkasakit na mga alagang baboy mula sa lalawigan ng Bulacan at Rizal kung saan umaabot na sa 7,000 baboy na may sakit ang pinakatay at inilibing ng DA nitong mga nakalipas na mga araw, ang iba pa nga ay ibinaon na buhay.

Pinangangambahan ngayon na baka kumalat na ito sa piggeries sa Luzon dahil habang lumalakad ang panahon ay dumarami na ang naapektuhang mga baboy sa Bulacan at Rizal.

Lalo’t may ibang iresponsableng hog raisers na hindi nakikipagtulungan sa gobyerno at basta na lamang itinatapon sa mga ilog ang kanilang mga namamatay na alaga na apektado ng ASF virus, tulad ng sunud-sunod na pagkakatagpo nitong mga nakalipas na mga araw ng may 56 patay na baboy sa Marikina at Quezon City.

Kung patuloy na gagawin ito ng ating hog raisers, tiyak na maapektuhan ang ating hog industry. Tatama rin ito sa hanapbuhay, pangkabuhayan ng ating mga mamamayan at sa suplay ng pagkain lalo na ang karneng baboy lalo’t nalalapit na ang Pasko.

Noong 2018, napaulat nagsimula ang outbreak ng epidemyang ito sa bansang Slovakia at China, simula noong kumalat na ito sa Vietnam, Laos, Myanmar, Cambodia, Mongolia at North Korea hanggang nakarating na sa Europe.

Katunayan nagpatupad ng ban ang DA sa pagpapasok ng mga karneng baboy mula Belgium, China, Hungary, Latvia, Poland, Romania, Russia and Ukraine. Subalit sa kabila nito, patuloy pa rin ang pagpasok ng mga hinihinalang mga kontaminado karne sa bansa na kinatatakutang makakahawa sa ating mga alagang baboy.

Ito na ang resulta dahil na sa umiiral na korapsyon sa mga kinauukulang ahensiya.

Ngayong nandito na ito sa ating bansa, wala na tayong magawa kundi kailangang magtulungan ang hog raisers, DA at iba pang kinaukulang ahensiya para sundin ang precautionary measures at mga hakbangin upang hindi na ito kumalat pa sa buong bansa. (POINT OF VIEW / Neolita De Leon)

171

Related posts

Leave a Comment