ITO ang katanungan ngayon ng mga ordinaryong mamamayan lalo na ang mga ina ng tahanan.
Nito kasing pagpasok ng Agosto 2021 na lalo pang bumilis ang hawaan ng COVID-19 dahil sa Delta variant, ay nagtaasan ang mga bilihin.
Lalo na ang araw-araw na mga pangangailangan ng bawat pamilya.
Sa panayam ng PUNA sa isang ginang na may sari-sari store sa Caloocan City, tumaas daw ang presyo ng mantika. Dati ang kanyang bili sa labing dalawang bote (1 dosena/bilog) ng mantika ay P280, ngayon ay nasa P300 na.
Kung kaya’t napilitan siyang itaas din ang kanyang bentahan sa bawat bote na mula dating P25, P26, naging P27 hanggang ngayon ay P28 na bawat bote.
‘Yan po ay sa loob lamang ng buwan ng Agosto 2021, ganun daw kabilis ang pagtaas ng presyo ng mantika. Grabe!
Nagtaas na rin ng 50 centavos hanggang piso ang mga delata at iba pang grocery items. Sobrang taas din ng presyo ng mga gulay tulad ng repolyo at iba pang agricultural products.
Nagtataka sila kung bakit nagkaganun sa kabila na nasa krisis ang bansa dahil sa COVID-19 ay patuloy ang pagtaas ng mga pangunahing bilihin.
Bakit hindi raw mapigilan ito ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA)?
Ang dalawang ahensiyang ito ang naatasan o mandato nila na mag-monitor sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon pa sa ilang nanay, wala na nga silang pambili dahil nawalan ng trabaho ang kanilang mga padre de pamilya dahil sa epekto ng COVID-19 ay hindi pa mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
May pag-asa pa raw ba silang makahinga sa dulot ng pahirap sa mataas na presyo ng mga bilihin at sinabayan pa ng COVID-19?
Kadalasan pa sa mga pahayag ng mga opisyal ng DA at DTI sa mga telebisyon ay puro magaganda, pero taliwas sa totoong pangyayari.
Idinagdag pa nila na hindi lahat ay nabibigyan ng ayuda mula sa pamahalaan dahil ilan sa mga politiko ay ginagamit ang tulong para sa kanilang political interest.
Wala na rin silang matakbuhan ngayon dahil nawala na ang naglipanang community pantries na malaking tulong sana sa mga kinakapos na pamilyang Pinoy.
Lalo na ngayon na nananalasa ang bagyong Jolina sa iba’t ibang lugar sa bansa. Asahan na natin na lalo pang tataas ang mga bilihin.
Hindi na rin sila umaasa na babalik pa sa normal ang presyo ng mga bilihin dahil nagsimula nang pumasok ang ‘ber’ months.
Ika nga nila, tuloy-tuloy na ‘yan hanggang Disyembre at sa susunod na taon ay magkakaroon pa ng presidential and local elections.
Naging ordinaryo na lang sa bansa na pagkatapos ng halalan ay nagtataas ang mga bilihin.
Kaya tanong nila, makahihinga pa ba sila sa kahirapan?
Ipinararating po natin ang mga karaingang ito kina DTI Sec. Ramon Lopez at DA Sec. William Dar.
Mga sir, baka naman pwede n’yo pong ikutin ang mga pamilihan para malaman n’yo ang sinasabi ng mga ina ng tahanan.
Ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay hindi iindahin ng mayayaman, ang direktang sapul nito ay
ang mga ordinaryong mamamayan lalo ang mga walang matatag na hanapbuhay.
Simple lang naman mga bossing, ipatupad n’yo lang ang mga mandato ng bawat opisina n’yo.
Kung tutuusin madali lang ang trabaho ng mga nasa gobyerno, sundin lang nila ang mandato ng bawat opisina nila.
Kung susundin nila ang kanilang mga mandato ay hindi na sila mapupulaan na natutulog sila sa pansitan.
At pakiusap po natin sa mga nasa gobyerno ay ‘wag n’yo pong gamitin ang inyong mga opisina para sa inyong pamumulitika.
Nasisira kasi ang serbisyong publiko ‘pag pinasukan ng pamumulitika ang kanilang mga trabaho.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com at mag-text sa cell# 0919-259-59-07.
