MALING KALAKARAN SA BIDDING

KAALAMAN Ni Mike Rosario

MASARAP isipin na may mga tao na nakababasa at nagpaparating ng mensahe sa atin, may mga nagpaparating din ng suporta at may mga humihingi ng tulong, ang iba naman ay nagbibigay ng impormasyon.

Tulad na lamang ng ilan na sumasali sa mga bidding, sa isang national na ahensya na ginaganap ang bidding sa mga region.

Nagulat daw sila nang bibili sila ng bid docs dahil may lumapit na hindi nila kilala at nagsabi na ‘wag na kayong bumili dahil may taker na.

Sila raw ay mga tao na ni congressman, take note, party-list congressman daw ang nag-aangkin ng halos lahat ng project, at sila raw ang nagpapondo.

Sabihin na natin na kayo ang nagpapondo, saan nanggaling ang pera na ‘yan, sa mga bulsa nyo?

Hindi naman tama na kayo na ang nagkokontrol n’yan, pera ng taumbayan ‘yan.

Kaya bigla silang napaisip at nagtanong, may karapatan ba na angkinin ng politiko ang download na budget galing national?

Lalo’t isang party-list representative ang nag-aangkin daw, napa-isip, ako bigla kaya pala may mga contractor na ayaw sumali sa mga project, ang mga congressman na raw ang may-ari at mga contractor na nila ang gumastos, malamang nakakuha na sila ng SOP o lagay mula sa contractor.

Napakalaking palaisipan talaga sa akin kung bakit ganito ang kalakaran, para saan ang BAC Bids and Award Committee, at para saan ang TWG o Technical Working Group?

Para saan din ang post qualification? Kung ang lahat pala ay tinatawag nilang negotiated bidding.

Asan ang hustisya kung ang terms of references ay pabor lang para sa manok ni congressman, ang procurement kumusta naman?

Ipinagtatanggol ko sa bawat kausap ko ang clean government, lalo’t sinasabi ko na malinis ang magkasunod na administrasyon.

Pero, paano mo maipagtatanggol ang malinis na gobyerno kung ang mga tao mismong lumalapit at nakakausap ko ay sila ang nakararanas ng maruming pulitika?

Kaya pala ‘pag national project ang gusto nilang hanapin, sino raw ang congressman na may kontrol?

Ang alam ko ang project na pinondohan ng gobyerno ay pag-aari ng tao, at hindi kay congressman.

Ang project na pera ng taumbayan ang pinanggalingan ay hindi kontrolado ng iilang tao lang.

Kaya nga po mayroon tayong Procurement, BAC, na walang dapat pinapanigan…

Mga kongresista, ibinoto kayo para maglingkod hindi para magnegosyo sa pondo ng bayan, alam kong iilan lang sila na gumagawa nito, pero nadadamay ang karamihan.

Sa nagsumbong sa akin o nagkwento sa KAALAMAN, tuloy lang kayo sa bawat bidding.

Alam ko na ang katarungan ay nandito at higit sa lahat, lalabas naman ang katotohanan at huwag patatakot o pasisindak sa maling patakaran at kalakaran, sa huli ay mananaig ang tama.

oOo

Para sa mga reaksyon at suhestiyon, abutin n’yo lamang ang inyong lingkod sa numerong 09270754691.

77

Related posts

Leave a Comment