TARGET NI KA REX CAYANONG
SA gitna ng maiinit na mga isyu at kontrobersiyang bumabalot sa bansa, isang usapin na naman ang umusbong na naglalayong sirain ang reputasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Isang litrato na kuha kasama ang kontrobersiyal na negosyanteng si Katherine Cassandra Li Ong ang lumitaw, na nagbunsod ng mga akusasyong nag-uugnay sa kanya sa Unang Pamilya.
Gayunpaman, sa gitna ng ingay at kontrobersiya, isang tao ang nagdesisyon na magsalita upang linawin ang katotohanan.
Si Benito Techico, ang kasalukuyang Special Trade and Tourism envoy to China, ay lumantad upang ipagtanggol ang Pangulo mula sa mga mapanlinlang na paratang.
Ayon kay Techico, walang anomang kaugnayan ang Pangulo kay Ong, at ang naturang litrato ay isa lamang simpleng pagkakataon na nangyari matapos ang lockdown dulot ng COVID-19.
Ayon kay Techico, ang litrato ay kuha sa isang hapunan sa Pasay City, kung saan ang may-ari ng restawran ay humiling ng isang litrato kasama ang Marcos couple.
Tulad ng marami pang iba na humihiling ng litrato, pinaunlakan ito ng Pangulo bilang bahagi ng kanyang pagiging magiliw sa mga tao. Hindi nila alam na si Ong ay kasama sa grupong iyon.
Ang pagtatanggol ni Techico sa Pangulo ay hindi lamang isang simpleng pagwawasto sa maling impormasyon, kundi isang matapang na hakbang upang ituwid ang anomang maling impresyon na maaaring makaapekto sa imahe ng pamahalaan.
Sa kabila ng kanyang abalang iskedyul at mga responsibilidad, patuloy na nagtatrabaho ang Pangulo para sa kapakanan ng bayan.
Ang mga ganitong klaseng kontrobersiya ay naglalayong pabagsakin ang kanyang integridad at gawing masalimuot ang kanyang pamumuno.
Ang ganitong uri ng mga paratang ay hindi makatarungan at dapat labanan ng katotohanan. Sa halip na magpadala sa mga tsismis at intriga, nararapat lamang na bigyan natin ng pagkakataon ang pamahalaan na magpatuloy sa kanilang mga programa at proyekto na nakatuon sa pagpapabuti ng buhay ng bawat Pilipino.
Ang ganitong mga pagsubok ay magsisilbing patunay sa tibay at tatag ng ating pamahalaan laban sa mga mapanirang pwersa.
Panahon na upang ipakita natin ang ating suporta at pagkakaisa, upang maipakita na hindi natin hahayaang ang kasinungalingan at malisyosong balita ang manaig.
163