ISANG buwan na lang bago idaos ang May 9 national and local elections ay muli na namang may lumutang na bagong tandem, ito ay ang tambalang Marcos-Sotto o tinawag nilang “MarSo.”
Sinasabi ng ilang grupo na ang MarSo tandem ay “perfect combination” o dili kaya ay “Combo Panalo.” Parang pagkain lang ha.
Ito ngayon ang umuugong sa social media na tambalang MarSo o pinagsamang apelyidong Marcos at Sotto mula sa grupo na kumakatawan sa iba’t ibang sektor.
Walang ibang nangunguna sa presidential race kundi si dating Sen. Bongbong Marcos (BBM) na gusto nilang ipareha kay Senate President Tito Sotto.
Si Sotto ay pumapangalawa sa lahat ng mga survey kay Davao City Mayor Inday Sara Duterte na siyang opisyal na ka-tandem ni BBM.
Naniniwala ang MarSo na sa kanilang paglutang ay posibleng sumirit pa paitaas ang puwesto nito hanggang sa Mayo 9.
Ang MarSo tandem ay may slogan na “Sa MarSo, MaSa Panalo.”
Viral ngayon sa social media ang tambalang MarSo nina UniTeam presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at vice presidential candidate Vicente Sotto III.
Kasabay ng pagputok ng MarSo tandem ay nagsulputan ang naglalagay ng poster at nagsusuot ng MarSo t-shirts.
Si Sotto naman ay mula sa partidong Nationalist People’s Coalition at kasalukuyang kaalyado ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson (Partido Reporma).
Sa kabila ng tambalang Lacson-Sotto ay maraming nagsusulong ng Marcos-Sotto na suportado naman ng mayoryang miyembro ng NPC.
Maraming naniniwala na lumalakas ang MarSo tandem lalo na mula sa multi-sectoral groups at religious groups.
Si Sotto ay nakilala sa tawag na “Tito Sen” na naging pangulo ng Senado mula 2018 hanggang sa kasalukuyan at sikat na TV personality partikular sa kanilang programang “Eat Bulaga” kasama nina Vic “Bossing” Sotto at Joey de Leon.
Matatandaan na bago naging senador si Sotto ay naging Vice Mayor siya ng Quezon City mula 1988 hanggang 1992.
Si Tito Sen ay kasama sa partidong NPC nina senatorial candidates JV Ejercito, Win Gatchalian, Manny Piñol, Chiz Escudero at Loren Legarda.
Samantala, sa kabila ng kaliwa’t kanang paninira sa kampo ng UniTeam ay hindi pa rin natitinag si BBM sa kanyang pangunguna sa mga survey ng Pulse Asia, SWS, Octa Research at iba pa.
Ayon naman sa ilang political experts, sa taas ng survey ratings ni BBM na halos hindi man lang makakalahati sa kanya ang kanyang mga katunggaling presidential aspirants, ay imposible nang makahabol sila sa isang buwan na lang na nalalabi bago pa idaos ang May 9 national and local elections.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0916-441-71-63.
98