MATAGALANG DIGMANG BAYAN AT MAILAP NA KAPAYAPAAN

SIDEBAR

Ngayong araw na ito, Marso 29, ang ika-50 ani­bersaryo ng New People’s Army (NPA) na itinatag ng Communist Party of the Philippines (CPP) noong 1969 mula sa mga labi ng mga armado ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB) na pinamumunuan ni Bernabe Buscayno na mas kilala bilang Kumander Dante.

Ang pagkakatatag ng NPA ang nagsilbing hudyat ng paglulunsad ng armadong pakikibaka bilang pangunahing anyo sa ilalim ng pambansa-demokratikong rebolusyon na isinusulong ng CPP mula nang maitatag ito noong Disyembre 26, 1968.

Hanggang ngayon ay pinanghahawakan pa rin ng CPP ang kawastuhan ng general political strategy ng protracted people’s war (PPW) o matagalang digmang bayan at ang pagsalig sa armadong pakikibaka bilang pangunahing anyo at ang pagtalima sa linya ng “surrounding the cities from the countrysides.”

Sa kasalukuyan, ang CPP at armadong hukbo nitong NPA ang bukod-tanging rebolusyonaryong kilusan sa buong mundo na patuloy na tumatalima sa teorya ni Mao Zedong hinggil sa digmang bayan at pakikidigmang gerilya.

Sa ika-50 anibersaryo ngayon ng NPA, dalawang henerasyon na ng mga rebolusyonaryo ang nailuwal ng digmang bayan sa Pilipinas at wala pa ring katiyakan kung kailan magkakaroon ng lohikal na konklusyon ang isinusulong na people’s democratic revolution.

Anim na presidente na rin ang dinaanan ng CPP-NPA mula sa diktador na si Marcos at pampito na sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte. Marami na nga ang nagtatanong kung makikita pa kaya ni Amado Guerrero ang tagumpay ng kanyang sinimulang armadong rebolusyon 50 taon na ang nakakaraan.

Karamihan ng mga u­nang henerasyon ng mga rebolusyonaryo ng CPP-NPA ay pasado 70-anyos na ang edad at karamihan sa kanila ay may mga dinaram­dam na sakit kundi man pumanaw na nang hindi nakikita ang tagumpay ng rebolusyon.

Ito marahil ang dahilan kung bakit sa kabila ng pabagu-bagong pahayag ni President Rody hinggil sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng kanyang gobyerno at ng National Democratic Front ay hindi bumibitaw ang liderato ng CPP-NDF sa proseso ng kapayapaan.

Kung tama ang mga lumalabas na balita, mismong si CPP founding chairman Jose Maria Sison ay may seryosong karamdaman kaya gusto niya na ring makabalik sa Pilipinas sakaling magkaroon ng comprehensive peace agreement ang NDF at Government of the Republic of the Philippines (GRP).

Sobrang tagal na rin ng 50 taon ng pagrerebolusyon kung saan karamihan ng mga namumunong kadre ng CPP ay dumaan sa detensyon at tortyur gaya ni Sison na siyam na taon ding nakulong kung saan lima rito ay solitary confinement.

Maganda sana kung sa ilalim ng administrasyon ni Duterte ay magkakaroon ng ganap na kapayapaan sa pamamagitan ng isang komprehensibong peace agreement na tatapos sa armadong rebolusyon ng CPP-NPA-NDF.

Pero mukhang nananatiling mailap ang kapayapaan dahil na rin sa mga isinasagawang taktikal na opensiba ng NPA sa gitna ng usapang pangkapayapaan na siyang dahilan kung bakit nagpasya si Pangulong Duterte na abandonahin ang peace process.

Depende na lang kung magbabago ang isip ng pa­ngulo at muling bigyan ng go signal ang kanyang negotiating panel na buksan ang peace talks sa NDF. Sana nga. (SIDEBAR / RAYMOND BURGOS)

565

Related posts

Leave a Comment