MAYROONG ITINATAGONG YAMAN ANG MGA KONGRESISTA?

SALIKSIK

NOONG si Rep. Pantaleon Alvarez ang pinuno ng Kamara de Representantes, ang madalas na marinig ng publiko ay mga ideya tungkol sa paghihiwalay ng mag-asawa, pagpapasara ng Court of Appeals (CA), gawing P1 ang badyet ng Commission on Human Rights (CHR), impeachment kay Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang kayabangan.

Tapos, tinanggalan niya ng mga pinamumunuang komite ang mga mambabatas na hindi bumoto sa panukalang batas na magbabalik sa “death sentence.”

Ang resulta, nagkaisa ang mayorya ng mga miyembro ng Kamara upang tanggalin si Alvarez sa rurok ng kapangyarihan. Kaya, hindi umabot si Alvarez hanggang Hunyo 30, 2019.

Nang si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na ang pumalit bilang speaker, umusad ang panukalang pagbabago sa Saligang Batas na naglalayong palitan ng sistemang pe­deralismo ang kasaluku­yang sistemang presidensyal.

Sa panukala ng Kamara ni Arroyo ay tinanggal nito ang probisyon sa Saligang-Batas na nagbibigay limitasyon sa termino ng mga kongresista.

Pinanatili nito ang political dynasty.

Ang isa pang kagila-gilalas na ginawa ng Kamara ay ipinasa nito ang panukalang badyet ng pambansang pamahalaan para ngayong 2019 na may  milyun-milyong pork barrel na isiningit sa mga distrito ng mga miyembro,  kabilang na ang distrito ni Arroyo sa Pampanga.

Nang walang tigil sa pagsisiwalat ni Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr. hinggil sa anomalya at katiwalian sa pork barrel, tinanggal ng mga kongresista si Andaya sa pagiging majority leader.

Si Andaya lang ang sinibak sa puwesto.

Kamakailan, ipinasa ng Kamara ang House Resolution No. 2467 na panukala ni Speaker Arroyo na ang laman ay ‘itago’ sa publiko ang kayamanan ng mga kongresista.

Ayon sa resolusyon, kailangang ipasa ng mayo­rya ng kasapian ng Kamara ang kahilingan ng sinumang tao na bigyan siya ng kopya ng Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ng sinumang kongresistang hinangad niyang malaman ang kayamanan.

Ang humihingi ng kopya ng SALN ay dapat magpasa ng mga impormasyon hinggil sa kanya, magsumite ng papel na nagpapaliwanag sa kanyang layunin na makahingi ng kopya ng SALN at iba pa.

Mababayad pa ng P300 ang humihingi ng kopya.

Sa madaling salita, pinahirapan ng Kamara ni Arroyo ang publiko sa pag-alam sa kayamanan ng mga mambabatas.

Kung walang itinatagong kayamanan ang mga mambabatas, bakit nila ipinasa ang resolusyon ni Arroyo? (SALIKSIK / NELSON S. BADILLA)

128

Related posts

Leave a Comment