(Ikaapat na bahagi)
Bakit may bully sa mga paaralan?
Walang bully sa mga paaralan, kung walang pumapayag na sila ay i-bully.
Madaling sabihin, kung hindi ikaw mismo ang nakaranas ng sitwasyon. Bagama’t sa ilang pagkakataon, tama naman ang punto ng pangungusap sa itaas.
Pero, bago natin intindihin kung bakit may pumapayag (kung mayroon nga talaga) na i-bully, subukan nating unawain, bakit may bully? O bakit ilan sa ating mga mag-aaral ay nauuwi minsan sa pambibiktima ng mga kaklase o kaibigan nila.
Batay sa aking naobserbahan, at sa mga pag-aaral na rin, ang mga bully ay nais mag-assert ng kanilang kapangyarihan. Ang nanguna sa mga kaklase ko noon sa pambu-bully sa akin ay iyong dating akala niya ay siya na ang pinakamagaling sa klase, o gusto niyang siya lagi ang pinakamagaling.
Ngunit, noong siya ay natinag na sa puwesto niya ay kinailangan niyang himukin ang mga kaibigan niya (na karamihan ay kapareho niya ng relihiyon) para pagkaisahan ang sa tingin niya ay “threat” na sa kanyang posisyon at popularidad. Kung uunawain, ito ay pagpapakita ng kagustuhang mapanatili ang hawak na kapangyarihan.
Sa halip na humingi ng tulong sa iba, nailalabas nila sa pamamagitan ng pambu-bully sa iba ang kanilang stress, trauma, o frustration sa kanilang sitwasyon. Para ipakita na ok na ok sila, at huwag silang kaawaan. Samakatuwid, isang maskara ng kahinaan nila ang kunwari ay pagpapakitang matapang sila.
Sa ibang kaso, lumalabas na ang mga bully ay nakaranas na ring ma-bully kaya’t sa pakiramdam nila, gumaganti at binibigyan lang nila ng katarungan ang nauna nang ginawa sa kanila. Sa ibang pananalita, pakiramdam nila na makatarungan din lamang na maranasan ng iba o ng mundo ang dinanas nilang paghihirap.
Dahil madalas ay lalaki ang mga bully, may palagay na nakaugat ito sa kalikasan ng mga lalaki na maging agresibo. Lalo na at naririyan pa rin ang makalumang kaisipan na ‘pag lalaki ay dapat macho, kinatatakutan, siya ang may kontrol sa paligid niya.
Bukod sa pagkain, mahalaga rin na busog ng kalinga, atensyon, at pagmamahal ang mga anak para hindi sila maghasik ng lagim sa buhay ng mga walang kamalay-malay nilang kaklase o kabarkada. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)
121