NAGBABAYAD BA NG TAX ANG SAMGYUPSALAMAT AT ROMANTIC BABOY?

BAGWIS

Usung-uso ngayon ang mga unlimited na chibug sa mga Korean barbeque restaurants at ilan sa mga dinadagsa ay itong Samgyupsalamat at Romantic Baboy. Maaga pa lang ay dagsa na ang mga tao sa mga iba’t ibang branch ng mga restaurant na ito dahil kung malakas kang lumamon ay sulit na sulit ang bayad mong wala pang P500 kada tao.

Bagong konsepto pa lang sa Pinas itong mga sam­gyupsal restaurant. Nauso lang ito dahil na rin sa dami ng mga Koreano ngayon na piniling manirahan dito sa Pilipinas. Ayon na rin sa isa nating kaibigang Koreano, gustung-gusto nila rito sa Pinas dahil maliban sa napakamura ng cost of living dito kung ikukumpara sa kanilang bansa, nagugustuhan nila ang ating klima.

In the meantime, banas na banas naman ang karamihan sa ating mga Pinoy sa ating klima at pinapangarap ng marami sa atin ang manirahan sa mga bansa na may snow.

Anyway, maging ang Bagwis ay madalas na kumain ngayon sa Samgyupsalamat at Romantic Baboy lalung-lalo na pag kasama natin ang mga kasama sa aming cycling team. Kahit ang ninipis ng katawan ng mga kumag eh ang lalakas lumamon ng mga ‘yan kaya bagay na bagay sa kanila ang mga eat-all-you-can na kainan,

Ang napansin lang natin ay tila may milagrong nangyayari sa mga kainan na ito. Maliban kasi sa “cash basis only” ang kanilang singil at hindi puwede ang credit card gaya ng ibang mga malalaking restaurant, hindi rin sila nag-iisyu ng resibo.

Kapag tinawag mo ang iyong bill ay bibigyan ka lang ng sulat kamay na listahan ng iyong na-order o dili kaya ay aabutan ka lang ng cash voucher.

Alam kaya ito ng Bureau of Internal Revenue (BIR)? Naku ha, mukhang nilalamangan tayo nitong mga may-ari ng Samgyupsalamat at Romantic Baboy ha.

Hindi ba’t matik dapat na resibo ang iaabot sa iyo kapag nagbayad ka ng bill mo? Matik din na nakasaad sa iyong resibo ang breakdown ng iyong nakuhang order at iba pang mga charges gaya ng Value Added Tax (VAT) at service charge kung mayroon man.

Paano makakapaningil ng VAT ang BIR sa Samgyupsalamat at sa Romantic Baboy kung wala naman silang mga official receipt na maaaring gamiting batayan ng halagang nakolekta mula sa kanilang mga customer?

Maganda sigurong silipin ito ni BIR Commissioner Caesar Dulay dahil limpak-limpak na salapi ang nawawala sa pamahalaan dahil sa pandurugas ng mga restaurant na ito.

Hindi na baleng mawalan ako ng mga paboritong Korean bbq restaurant kaysa naman patuloy tayong dinudugasan. Puwede naman akong magtiyaga muna sa isaw at pork barbeque na tinda ng aming kapitbahay. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)

262

Related posts

Leave a Comment