MULA KABABAIHAN TUNGO SA INANG KALIKASAN

Psychtalk

Tapos na ang Marso at narito na tayo sa buwan ng Abril. Bagama’t patuloy pa rin ang sagitsit ng tag-araw at tagaktak ng pawis ng karamihan sa atin, nagbibigay naman ng pag-asa ang bagong buwan bilang panahon ng tagsibol sa maraming bahagi ng mundo. Ito ay nagpapahiwatig ng bagong pag-asa, pamumulaklak at pagbunga.

Ibig kong sabihin, mula sa buwan ng kababaihan ay tumuon naman tayo sa pag-akap sa buwan na nakatalaga para sa Inang Kalikasan. Sa partikular, nakatakdang ipagdiwang kada Abril 22 ang “International Earth Day.’

Maaalala natin na unang idinaos noong 1970 sa USA ang Earth Day bilang isa sa mga tugon sa lumalalang suliraning pangkalikasan, lalo na ang isyu ng polusyon. Ito ay kaakibat ng pag-usbong ng bagong kilusan para sa kalikasan habang abala rin ang mundo sa sabay-sabay na usapin gaya ng giyera sa pagitan ng Vietnam at Amerika, at mainit na sitwasyong politikal hindi lang sa Pilipinas kundi sa iba’t iba pang bahagi ng mundo.

Mula noon, taunang inaalala ang Earth Day bagama’t hindi pa gaanong umaabot sa kamalayan ng marami. Kapareho rin nito ang usapin ng kababaihan na tila hindi maaruk-arok nang ganap ng marami ang kabuluhan nito kaya’t hindi rin matapus-tapos ang paghahanap ng makatotohanang solusyon.

Maraming paralelismo sa pagitan ng babae at ng Inang Kalikasan. Sa pangkalahatan, sinasabi na pareho ang dalawa na daluyan ng mga bagay na nagdudulot ng buhay at kalinga sa sangkatauhan. Samakatuwid, pareho ang babae at kalikasan na daluyan ng yaman ng tao.

Sa kabilang banda, pareho ring nakararanas ng paglapastangan sa kamay ng tao ang babae at Inang Kalikasan. Bagama’t kapwa sila daluyan ng buhay, pareho rin silang nalalagay sa panganib dahil sa patuloy na pagbabalewala, kung hindi man paglapastangan, sa kanilang kapakanan o karapatan. Pilit na dinudungkal ang kayamanang mayroon sila pero tila wala namang pagpapahalaga sa kung ano ang nararapat na ibalik na respeto at kalinga sa bawat isa. (PSYCHTALK / EVANGELINE C. RUGA, PHD)

62

Related posts

Leave a Comment