Kamakailan ay naging ganap na batas ang Republic Act No. 11350 matapos itong lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ito ang magbibigay daan sa pagtatatag ng isang National Commission of Senior Citizens.
Nilusaw ng RA 11350 ang National Coordinating and Monitoring Board na nilikha sa bisa ng naunang batas na Expanded Senior Citizens Act of 2010.
Sa ilalim ng bagong batas sa senior citizens, ililipat sa komisyon ang lahat ng programa ng Department of Social Welfare and Development na may kinalaman sa mga mahihirap, bulnerable at nasa disbentaheng mga Filipino na may edad 60 pataas na siyang tinatawag na senior citizens.
Ang National Commission of Senior Citizens ang mangunguna sa implementasyon ng lahat ng batas at programa ng pamahalaan na may kinalaman sa mga nakatatandang mamamayan sa ating lipunan.
Tungkulin din ng naturang komisyon ang magsagawa ng mga polisiya at pagsusulong sa karapatan at pangangalaga sa kaligtasan ng senior citizens partikular yaong retirado na sa kanilang mga trabaho o hanapbuhay.
Ito’y bukod pa sa pagrepresenta sa Pilipinas sa mga intersyunal na mga komperensya na patungkol sa mga isyu ng senior citizens.
Nakatadhana sa RA 11350 na ang National Commission of Senior Citizens ay bubuuin ng isang chairperson at anim na commissioners na manggagaling sa iba’t ibang rehiyon na itatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang naturang komisyon naman ang mag-a-appoint ng isang executive director na siyang responsable sa pang-araw-araw na operasyon kabilang na ang implementasyon ng mga polisiya, panuntunan at regulasyon na pinagtibay ng 7-man commission.
Ang malaking tanong na lang dito ay kung sino ang itatalagang chairperson ni Pangulong Duterte mula sa hanay ng senior citizens na kinabibilangan na rin ng pangulo at maraming mga opisyal sa gobyerno.
Isa sa mga nababanggit na nominee sa NCSC chairmanship ay si dating Senador Edgardo “Eddie” Ilarde na magiging 75-anyos na sa darating na Agosto 25.
May 15 taon na ring senior citizen si Ilarde at sa katunayan ay matagal na siyang aktibo sa hanay ng mga senior citizens sa pamamagitan ng kanyang itinatag na organisasyong Golden Eagles Society International Inc.
Kilala si Ilarde ng maraming senior citizens dahil matagal siyang naging host ng sikat na noontime show na Student Canteen at hanggang ngayon ay patuloy ang kanyang programa sa AM radio station DZBB (594) na “Kahapon Lamang.”
Highly-qualified si Ilarde sa pagiging chairperson ng NCSC dahil hanggang ngayon ay malakas pa ang kanyang pangangatawan at patuloy siyang nakakapagprograma sa DZBB na magagamit niya sa mga isyu ng senior citizens.
Sana nga ay maikonsidera ni Pangulong Duterte si Eddie Ilarde na maging chairman ng National Commission of Senior Citizens dahil magagamit niya ang kanyang popularidad sa pagsusulong ng interes ng mga kapwa niya seniors sa ating lipunan. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
168