BISTADOR NI RUDY SIM
IMBES na nakakulong ay malayang nakalalabas-masok ang isang high profile inmate na si Jose Adrian Dera o alias “Jad Dera” na may kasong murder at ilegal na droga mula sa kanyang selda sa loob mismo ng National Bureau of Investigation, kahit walang court order, sa tulong ng ilang tiwaling mga tauhan ng detention facility, na nahuling nag-escort sa suspek habang nakikipag-date sa kanyang girlfriend noong June 20 sa isang restaurant ng 5 star hotel sa Makati, at namasyal pa umano sa Tagaytay City noong June 18 gamit ang marked vehicle ng NBI.
Dahil sa kinang ng salapi at posibleng koneksyon ni Dera sa NBI ay naitala sa record ng ahensya na ilang ulit na itong naglabas-masok sa selda kasama ang limang jail guards na nag-ala chaperone, na ang ginamit na dahilan ay upang magpagamot sa labas ang detainee.
Maganda ang ginawang pag-aresto sa akusado ng mga tauhan ng NBI-NCR at Task Force Against illegal Drugs na tapat sa kanilang tungkulin, upang hindi masira ang magandang pangalan ng ahensya lalo’t nakuha mula sa detainee ang perang umaabot sa P100K para pambayad sa mga kasabwat nito.
Matatandaang si Dera ay kasamang akusado ni Senador Leila De Lima sa kinahaharap nitong kasong may kaugnayan sa ilegal na droga
Nauna nang nanawagan ang biyuda ni Governor Roel Degamo na si Negros Oriental Mayor Janice Degamo na dapat nang magbitiw sa kanyang tungkulin si NBI Director Medardo De Lemos na appointee ni Pangulong Marcos, dahil sa kapabayaan nito sa kanyang tungkulin at imbes na bigyang parusa ang hepe ng Security Management Service ay inilipat lamang umano ito ng puwesto sa South Cotabato NBI Office
Pumalag din ang grupo ng mga abogado kung bakit nananatili pa rin si De Lemos sa NBI dahil bukod sa expired na ang kanyang kapangyarihan bilang Director dahil sa compulsory retirement age na 65, walang order mula sa Department of Justice (DOJ) na ma-extend ang kanyang tungkulin.
Dahil sa pagkakaladkad at pagkakabulgar sa katiwaliang nangyari sa NBI ay galit na nanawagan sa pamahalaan ang maraming netizens maging ang mga grupo ng mga abogado sa iba’t ibang sektor ng bansa, na dapat nang magbitiw sa kanyang tungkulin si De Lemos bilang NBI Director.
522