MY POINT OF BREW ni JERA SISON
SA totoo lang, naging isa sa mga pangunahing nabatikos ang NLEX noong nakaraang mga linggo dulot ng usad-pagong na daloy ng trapiko sa kahabaan ng San Simon Exit dahil sa malalim na baha. Naiulat na umabot ng mahigit anim na oras ang biyahe ng mga sasakyan bago makaalpas sa bahaging lugar ng San Simon Exit.
Tulad din ng baha, binaha ng batikos ang pamunuan ng NLEX sa pangyayaring ito. Pati ako mismo ay nakarinig ng sama ng loob mula sa aking mga kaibigan na bumiyahe papuntang hilagang Luzon. Ano raw ba ang ginagawa ng NLEX dito?
Alam ninyo, kung minsan, nawawala tayo sa wastong pananaw kapag emosyon ang umiiral sa ating pag-iisip. Ito ang nangyari sa kaso ng mga bumatikos sa NLEX. Sila ang mga motoristang naperwisyo ng mahigit anim na oras sa NLEX sa kasagsagan ng patuloy na ulan na mahigit dalawang linggo.
Sila ang mga motorista na dati ay sanay sa mabilis at mapayapang pagbiyahe sa NLEX noong mga panahon ng tag-init o kaya naman tuwing may manaka-nakang ulan.
Subalit ang nangyari sa atin noong nakaraang mga linggo ay kakaiba. Tumama ang Bagyong ‘Egay’ sa bahagi ng Luzon na nagdulot ng matinding ulan. Dahil din dito ay hinigop ni ‘Egay’ ang Habagat na nagpatuloy ang matinding ulan sa kabuuan ng ating bansa.
Isipin na lang natin, bago ang pangyayari ng matinding ulan, namiligro ang lebel ng tubig sa Angat Dam kung saan kumukuha ng suplay ng tubig ang kalakhang Maynila at iba pang kadikit na lalawigan. Subalit makaraan ng halos tatlong linggong patuloy na ulan, bumalik agad sa normal na lebel ang tubig sa Angat Dam. Sa madaling salita, ganyan katindi ang ibinuhos na ulan noong mga panahon na iyon!
Kaya mabalik tayo sa problema sa NLEX. Sapul na sapul ni Pangulong Bongbong Marcos ang ugat ng pagbaha sa NLEX. Madiin na ipinaliwanag niya na walang problema sa NLEX kundi ang malawakang pagbaha sa Central Luzon ang dahilan nito!
Kaya naman nagpagkasunduan ng pamunuan ng NLEX at DPWH sa utos ni Pangulong Marcos, na itaas ang bahagi na apektado ng baha sa San Simon Exit. Kasabay rito ay ang pagtaas din ng tulay sa ibabaw nito upang hindi maging sagabal sa malalaking trak na babaybay sa nasabing lugar.
“We’ll raise the NLEX to avoid what happened last time, and then we’ll look for possible alternative routes. Trucks that can withstand the flood can use the old expressway. Cars, on the other hand, can use the elevated ramp. So we’ll study that,” ito ang pahayag ni Pangulong Marcos kamakailan nang pinulong niya ang pamunuan ng NLEX, DPWH at ang mga gobernador at mayor ng mga lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Bulacan at Pampanga, na naging sentro ng pinsala ng matinding baha.
Seryoso rin na pinag-aaralan ni Pangulong Marcos ang panukala na gumawa ng malaking imbakan ng tubig sa Candaba Swamp. Ito ay isang swamp o latian na sumasakop sa bayan ng Candaba, Pampanga. May sukat ito na halos 32,000 na ektarya. Ayon sa panukala ni Metro Pacific Tollways Corporation president at dating Department of Public Works and Highways Secretary Rogelio Singson, 10% lamang ang kailangan sa Candaba Swamp sa planong imbakan ng tubig-baha upang maiwasan ang malubhang pagbaha sa Pampanga.
“We are committing that we will solve the NLEX San Simon segment. We hope to be able to finish it in about three months,” ang sabi ni Singson.
Tanggapin na natin na ang mundo ay nagbabago dulot ng tinatawag na ‘climate change’. Ang mga dating hindi binabaha, ay binabaha na ngayon. Idagdag pa natin ang lumalaking populasyon na kumakain din sa mga lupain upang magkaroon ng mga proyektong pabahay.
Kaya huwag tayo basta manisi at magturo tuwing tayo ay napeperwisyo. Tama ang sinabi ni Pangulong Marcos na panahon na para pag-aralan kung paano tayo gumawa ng mga paraan upang makapag-adjust tayo at sumabay sa pagbabago ng klima ng mundo.
“We really need to prepare for climate change. The weather is changing, and is not like what it used to be. Everything we know about the weather is no longer applicable. The weather is changing. We are not going back to what we used to be. This is the reality of climate change,” ang pahayag ni Pangulong Marcos.
Kaya inuulit ko. Hindi kasalanan ng NLEX ang pagbaha sa kahabaan ng San Simon Exit. Sisihin ninyo ang malawakang pagbaha sa Bulacan at Pampanga dulot ng walang tigil na ulan sa mahigit na dalawang linggo. Maliwanag ba?
373