Noong panahon ni dating PNP chief Director General at ngayon ay Senador Panfilo “Ping” Lacson ipinag-utos nito sa lahat ng mga tauhan ng pulisya na sumailalim sa training para maging maliksi, malusog at epektibo sa pagpapatupad ng batas.
Napag-aralan nang husto noon ni Lacson na marami sa mga pulis ang hindi na halos makapagtrabaho dahil sa sobrang katabaan at hindi makahabol sa mga kriminal sa oras ng may responde kaya ni-require nito ang 40 inches waistline sa lahat ng mga pulis.
Maraming mga pulis na matataba noon ang nahirapan na mag-diet dahil sadyang obese sila kaya may isang dating QCPD district director noon ang inatake sa kasagsagan ng training hanggang sa bawian ito ng buhay.
Sa panahon nina dating PNP chief Oscar Albayalde, OIC Lt. Gen. Archie Gamboa, maraming mga miyembro ng pulisya kabilang ang mga opisyal ang matataba gaya na lamang ni bagong talagang National Capital Region Police Office (NCRPO) chief PBrigGen Debold Sinas na mataba kaya kailangan niyang mag-diet.
Palaging pinaaalala ng PNP health service na kailangang sumailalim sa walong linggong weight loss program ang lahat ng 190,000 miyembro ng pulisya.
Marami nga ang nagsasabi na dapat din siyang magbawas ng timbang para na rin magampanan nang husto ang tungkulin. Baka kung tuluyang tumaba ka nang husto, sir, ay hindi mo magampanan ang iyong trabaho bilang regional director ng NCRPO?
Sa ibang talakayan, ang opisina ng NCRPO Press Corps ay matagal nang ginagamit ng mga media at nagagamit naman ng kapulisan ang media para maipabatid sa taumbayan ang kaganapan sa Metro Manila. Pero simula nang maging OIC ka ng NCRPO, sir, ay naiba na. Totoo ba na pinaalis mo ang mga media dahil gagamitin mo raw ito bilang extension office mo?
Napakahalaga ng media sa mga trabaho ng PNP. Ang mga mamamahayag ang palaging nagbibigay ng balita sa taumbayan para malaman ang mga accomplishment ng mga pulis. Pero sa sitwasyon ngayon General Sinas, sir, ayaw mo bang may media sa iyong paligid? Sana naman ay mapag-isipan mong maigi na mali ang naging desisyon mo na bawiin ang press office ng media na nakabase sa Camp Karingal. Abangan! (Hagupit ni Batuigas / MARIO B. BATUIGAS)
223