OBLIGASYON NGA BA NG ANAK ANG KANYANG MGA MAGULANG?

At Your Service Ni Ka Francis

MAINIT na usapin ngayon kung obligasyon nga ba ng mga anak ang kanilang mga magulang?

Kung pagbabasehan natin ang nakasanayan na ng pamilyang Pilipino ay sobrang malapit tayo sa isa’t isa, kaya naman nasanay tayo, lalo na ang mga magulang na kung anong kaya natin ibigay sa ating mga anak ay pagsisikapan natin itong mabili para sa kanila.

Hinubog tayo ng ating mga ninuno na maging mapagbigay sa ating mga kamag-anak na naging tradisyon na at hanggang ngayon ay dala-dala pa rin natin ito.

Tayong mga magulang, kahit anong hirap natin ay pinagsisikapan natin na makapagtapos ng pag-aaral ang ating mga anak.

Bagama’t isang kahig, isang tuka lang tayong mga magulang ay ginagawa natin ang lahat para makapag-aral ang ating mga anak.

Ika nga ng mga magulang sa kanilang mga anak, “Wala kaming maipapamanang kayamanan sa inyong mga anak, kundi ang edukasyon lamang” kaya namin kayo pinag-aaral para makapagtapos.

May mga nagsasabi naman na ang edukasyon ng mga anak ay isang “investment.”

May ibang magulang na ang pananaw kaya nila pinag-aaral ang kanilang mga anak ay para magkaroon ang mga ito ng magandang buhay pagdating ng panahon at matuldukan na ang kanilang kahirapan.

Kung susundan natin ang sinabi ng mga magulang sa kanilang mga anak na, “Wala kaming maipapamanang kayamanan sa inyong mga anak, kundi ang edukasyon lamang”, lumalabas na kahit hindi suklian ng anak ang kanyang magulang sa pagpapaaral sa kanya ay okey lang.

Pero kung sinasabi na ang pagpapaaral sa mga anak ng kanilang mga magulang ay isang “investment” ay kailangan niyang suklian ito para sa tinatawag na, “Return of Investment o IOR.”

Kung ang inyong magulang na nagsakripisyo, iginapang kayo para makapagtapos kayo (anak) sa pag-aaral at tumanda sila na walang kabuhayan, hindi mo ba sila bibigyan ng tulong pinansyal na ikaw na anak ay pinagtapos sa pag-aaral? Hindi mo ba sila obligasyon na tulungan?

Sa bansang Amerika, pagdating sa edad na 18-anyos ng kanilang mga anak ay wala nang responsabilidad ang mga magulang sa kanilang mga anak.

Sa Pilipinas, dahil sa sobrang malapit tayo sa ating mga miyembro ng pamilya, kahit na may asawa na ang ating mga anak ay nakasukob pa rin sila sa kanilang mga magulang.

Sa aking pananaw, pagdating sa usapin ng ating mga magulang ay hindi isyu ang ‘obligasyon ng anak sa kanilang mga magulang na bigyan ng tulong pinansyal’ kundi ang pagmamahal sa kanilang mga magulang, lalo kung matatanda na ang mga ito at hindi na nila kayang magtrabaho.

Matitiis ba nating mga anak na tayo ay masarap ang kinakain tapos ang ating mga magulang ay walang makain?

Hindi natin dapat pagtalunan kung obligasyon ba ng mga anak ang kanilang mga magulang, ang dapat umiral dito ay ang pagmamahal natin sa ating mga magulang.

Ang buhay ay umiikot lang, ngayon ay anak tayo sa susunod ay magiging magulang din tayo kaya dapat hindi mawala ang pagmamahal sa ating mga magulang.

Sa usapin sa pagitan nina Carlos Yulo at ng kanyang mga magulang, ang solusyon niyan ay nasa kanila rin mismo at kailangang umiral dito ang pagmamahal sa isa’t isa tulad ng pagmamahal sa atin ng amang nasa langit.

209

Related posts

Leave a Comment