OPS: BLACK WAR

EARLY WARNING

Mismong si Dr. Erwin Erfe, hepe ng forensic division ng Public Attorney’s Office ang nagbunyag na may three phases ang Operation: Black War ng mga may gustong sirain ang kredibilidad ng Public Attorney’s Office o PAO lalo na ang head nito na si Chief Percida Rueda-Acosta na ‘di naman nagpapatinag at mas lalong determinado na suportahan ang pamilya ng mga biktima lalo na ng kontrobersyal na Dengvaxia vaccines.

Sa Phase 1, lumabas ang isang Attorney Wilfredo Garrido Jr. na gamit ang unsigned manifesto kuno ng ilang PAO lawyers sa kanyang pagsampa ng corruption complaint sa Ombudsman dahil sa wala sa lugar daw na paggastos ng office supplies at pagpapagawa ng tarpaulins tungkol sa Dengvaxia issue.

Ang Phase 2 naman ng Ops: Black War ay ang elimination of evidence na inamin ni Dr. Erfe na sadyang kanilang kinatatakutan subalit nakahanda silang harapin ang anumang paninira sa kanila dahil anila ang kanilang tanging ginagawa’y ipaglaban ang karapatan ng mga taong lumalapit sa PAO dahil ito ang kanilang mandato.

Hindi naman agad naibunyag ng opisyal ang Phase 3 pero confident sila na sa tamang panahon ay lalabas at lalabas ang mga may utak sa demolition job.

Kampanya vs. TB, pinaigting

Determinado si Mayor Toby Tiangco sa kampanya laban sa tuberculosis dahil kanyang inatasan ang concerned local officials na hanapin, ipagamot at pangalagaan ang mga residenteng may TB.

Kanyang iminungkahi na magkaroon ng ordinansa na nagpapahintulot sa mga barangay tanod na sunduin ang pasyenteng may TB at ayaw magpagamot. “Kapag ayaw pa ring magpagamot, pulis na ang magdadala sa kanila sa health center para masigurong iinom sila ng kanilang gamot.”

“Lubhang nakahahawa ang TB, at dapat maprotektahan natin ang mga inosenteng bata at matatanda na maaaring mahawahan nito. Kaya maliban sa pagpapataas ng kaalaman tungkol sa sakit na ito, kailangan ding masiguro na tuluy-tuloy ang gamutan ng mga pasyenteng may TB.” (Early Warning / ARLIE O. CALALO)

144

Related posts

Leave a Comment