P750 NATIONAL MINIMUM WAGE PINANAWAGAN NG BAYAN MUNA SA LABOR DAY

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Dumagsa ang libu-libong manggagawa sa mainit na lansangan sa Maynila at sa mga sentrong lungsod sa mga probinsya noong Mayo uno, bitbit ang mga isyu na nagpapahirap sa mga manggagawang Filipino sa kasalukuyan: mababang sahod, mataas na presyo ng bilihin, kontraktwalisasyon, pagbuwag ng mga unyon, hindi ligtas na mga pagawaan at opisina, at iba pa. Hindi sapat—at sa katunayan ay nakaiinsulto—ang baryang panukalang umento sa sahod na ibinabato ng Malacañang at ng mga regional wage boards.

Hindi nito pahuhupain ang matinding galit ng mga manggagawang Filipino na isinasadlak sa kaalipinan ng ganid na mga kapitalista, na pinahihintulutan naman ng pamahalaan. Nitong mga nakaraang buwan ay napakataas ng pagsirit ng inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin. Ang pagpapataas ng sahod ang pinakamainam na solusyon upang kahit papaano ay maibsan ang hirap ng mga manggagawa at kawani na araw-araw ay hirap na pagkasyahin ang kanilang kakarampot na sahod. Kaya naman, hinihikayat ng Bayan Muna na suportahan ang HB 7787 o ang P750 National Minimum Wage at ang HB 7196 o ang P16,000 Minimum Wage for Government Employees, mga panukalang batas ng Bayan Muna upang mabigyan ng nakabubuhay at makabuluhang dag­dag-sahod ang ating mga manggagawa at empleyado sa pampubliko at pribadong sektor. Ngayong nalalapit na halalan ay mahalaga para sa ating mga ordinaryong Filipino na pumili ng mga kandidatong tunay na magtutulak ng makabuluhang pagtaas ng sahod para sa mga manggagawa at em­pleyado. Kailangan natin ng mga mambabatas na tunay na kakatawan sa interes ng ordinaryong Filipino. Kaya naman, napakahalaga na maihalal natin si Atty. Neri Colmenares sa Senado at ang palaban na Bayan Muna at iba pang party-list ng Ma­kabayan. Kung makakapasok si Colmenares sa Senado, tiyak ay may counterpart bill na at mas malaki ang tsansa na maisasabatas ang P750 National Minimum Wage at ang P16,000 National Minimum Wage. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

78

Related posts

Leave a Comment