PAGKAKATAONG PUMILI NG NARARAPAT NA LIDER

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

PAGKATAPOS ng ilang beses na pagpapaliban, sa wakas tuloy na ngayong araw ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections!

Hindi malinaw sa marami kung ano ba ang tunay na naging dahilan sa sunud-sunod na pagkaantala nito noong mga nakaraang taon. Ilan sa mga mambabatas ang nagsasabi na dapat gamitin na lang sa ibang bagay ang budget para dito at ang ilan naman, para raw mas mapakinabangan pa ang ipinatutupad na mga programang pang-komunidad ng nakaupong mga lider.

Pero mismong ang Commission on Elections (Comelec) na ang nagsabi na mas malaki pa ang nagagastos dahil sa pagpapaliban ng halalan. Bukod sa tuluy-tuloy na proseso ng pag-rehistro na nangangailangan ng pondo, talagang lalaki rin ang gastusin dahil sa rami ng kailangang kagamitan at iba pang resources sa araw ng botohan.

Nandyan na tayo na maganda naman talaga ang pagtutuloy ng mga programang nakatutulong nang lubos sa mga komunidad, pero simula’t sapul naman alam nating lahat na limitado sa tatlong taon ang termino ng mga opisyal ng barangay at SK kaya dapat ay bahagi na ito na isaalang-alang sa estratehiya at pagpaplano ng mga programa at proyekto.

Bilang itinalagang lider ng komunidad, hindi dapat nalilimitahan ng termino ang responsibilidad na magsilbi sa kanilang nasasakupan. Kung susumahin, mahigit limang taon nang nakaluklok ang kasalukuyang mga opisyal at sapat na ito para maipakitang nakatulong sila sa pagpapabuti ng mga lugar na kanilang mga nasasakupan.

Ang barangay ang pinakamaliit na pampulitikang unit sa bansa kaya nga malaki ang papel na ginagampanan ng mga opisyal sa pagsigurong hindi naaabuso ang kanilang posisyon at naipatutupad nila nang tama at maayos ang mga programa. Mahalaga ring ang interes ng kanilang mga pinagsisilbihan at hindi ang pangsarili ang kanilang inaatupag. Kaya nga serbisyo publiko, hindi ba?

Tratuhin natin na may pagpapahalaga at respeto ang karapatang bumoto ng bawat isa at ang demokrasya sa ating bansa.

Kung tutuusin, importante rin ito para sa kabataan na sinasabi natin palaging pag-asa ng bayan. Sa pamamagitan ng mga nahalal na SK officials, nabibigyang-pansin at nagkakaroon ng kontribusyon ang kabataan sa nation-building.

Sigurado, handang-handa na ang lahat ng mga ahensya at grupong nasa likod ng halalan ngayong araw. Kagaya na lamang ng Meralco na mula pa noong Marso, nagsimula nang makipagkoordinasyon sa iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan para masigurong magkakaroon ng maayos at maaasahang serbisyo ng kuryente para sa botohan.

Importante ‘yan dahil nakasalalay ang integridad ng eleksyon sa pagsigurong maayos, walang palya, at payapa ang takbo ng botohan at bilangan.

Halos 3,000 na botohan kagaya ng mga pampublikong paaralan, barangay hall at ilang malls na gagamitin ngayong araw ang nasa service area ng Meralco kaya malaking responsibilidad ito para sa distribyutor ng kuryente.

 

Nangako naman ang kumpanya na handa ang lahat ng crew nito, at pati na rin ang customer care group para rumesponde sa tawag o anomang insidenteng maaaaring makaapekto sa serbisyo ng kuryente. Mayroon nga ring mahigit 300 na generator sets at halos 800 na floodlights ang nakaantabay at bitbit ng mga crew kung sakaling kakailanganin.

 

Pinakiusapan na rin ng Meralco sa mga magbabantay sa mga lugar ng botohan na huwag magsaksak ng mga hindi kailangang appliance at iwasan ang octopus connection dahil maaaring magdulot ang mga ito ng overloading.

 

Para naman sa publiko, iwasan rin nating magpalipad ng lobo at saranggola, pati na rin ang paggamit ng mga paputok, confetti, at party poppers malapit sa mga linya at pasilidad ng kuryente upang maiwasan ang posibleng problema sa serbisyo.

 

Kaliwa’t kanan na ang paghimok para lumabas ang lahat at bumoto ng nararapat na barangay at SK officials. Kaya tara, para sa magandang kinabukasan ng bayan!

151

Related posts

Leave a Comment