PAGLOBO NG BILANG NG MGA DISTRESSED PINAY SA UAE, DAPAT IMBESTIGAHAN NA NG SENADO

AKO OFW

(Huling bahagi)

Ito ay isa lamang sa mga sinasapit ng mga Pinay na nagnanais na makapunta sa UAE sa pamamagitan ng tourist visa pero ang pakay ay magtrabaho roon. Huli na bago nila mapatunayan na sila ay biktima nang human trafficking.

Hindi na mabilang ang natulungan ng AKO OFW upang makauwi sa Pilipinas matapos na mabiktima ng mga kapwa Pinay na nagre-recruit sa kanila. Karamihan sa mga biktima nito ay ang mga DH na nagmula sa Hong Kong, Pilipinas at Malaysia.

Hanggat hindi nag-iimbestiga ang Senado sa kinalaman ng mga taga-Bureau of Immigration sa paglobo ng mga biktima ng Human Trafficking ay malamang hindi matitigil ang paglobo ng mga bitktima sa UAE. Gayundin, ang mga OFW leaders ay nanawagan din sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Foreign Affairs (DFA) na bago nila tulungan na mapauwi ang mga stranded na mga Pinay sa UAE, ay dapat na siguruhin na nakapagbigay muna ito ng Sinumpaang Salaysay kung saan at kanilang tutukuyin ang mga taong naging dahilan para sila ay makarating sa UAE.

Karamihan kasi sa mga natutulungan ng AKO OFW na makauwi sa Pilipinas, matapos na makauwi ay ayaw nang makipagtulu­ngan upang maipakulong ang mga kasabwat sa pagpapaalis sa kanila.

Ang problemang ito sa paglobo ng mga biktima ng illegal recruitment o human trafficking sa UAE ay isa rin sa mga dahilan sa panawagan sa pagkakaroon ng iisang departamento para sa mga OFW at immigrants.

Dahil sa kasalukuyan na patakaran, tanging ang documented na overseas Filipino workers lamang ang dapat na sakop ng DOLE, POEA at ng OWWA, samantala ang Commission on Filipinos Overseas (CFO) naman ang may sakop sa kapakanan ng mga Filipinong magtutungo sa U.S.A at EUROPE kahit sila ay nagtungo roon bilang turista at kalaunan ay magtatrabaho. Ngunit kapag ang mga Filipino ay nagturista sa UAE at kalaunan ay nagtrabaho, ay ang DOLE, POEA, DFA at OWWA ang nananagot sa pag-aasikaso. Gayung ang paraan na ginawa ng mga Pinay ay kaparehong paraan ng ginawa ng ilan sa mga taga U.S.A at Europe na naging sakop ng CFO.

Sa pagsisimula ng Public Hearing ng Senado at Kongreso upang talakayin ang pagbuo ng Department of OFW (DOFW), hiling ng OFW leaders na tukuyin ang may responsibilidad sa ganitong mga isyu. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

182

Related posts

Leave a Comment