TALIWAS sa nakalipas na mga panahon, sakdal dusa ang handog ng pamahalaan sa hanay ng mga obrero sa mismong Araw ng Manggagawa.
Ang giit na dagdag-sahod, hayagang tinabla sa kabila nang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, pinag-aaralan pa rin ng pamahalaan ang walong nakabinbing petisyon para sa dagdag-sweldo ng mga obrero.
Pero teka, gaano katagal ba ang kailangan para mapagtanto ng gobyerno ang epekto ng walang puknat na pagtaas ng presyo ng lahat ng mga bilihin sa mga pamilihang bayan? Gaano katagal ba bago mabatid ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi na sumasapat ang kakarampot na sweldo?
Palibhasa, walang alalahanin ang mga opisyal ng gobyerno na tumatanggap ng bonggang sahod mula sa buwis na sinisingil sa mga pobreng Pilipino.
Kailan ba sila huling nagtungo sa palengke para bumili ng pangangailangan ng kanilang pamilya? Nasubukan na ba nilang pagkasyahin ang P570 para sa almusal, tanghalian at hapunan ng isang ordinaryong pamilya?
Ayon sa DOLE chief, hindi pa tapos ang pag-aaral ng Regional Wages and Productivity Board (RWPB) sa isinumiteng hirit ng iba’t ibang grupo ng mga manggagawa sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kailan pa ba isinumite ang naturang petisyon? Hindi ba’t isang taon na?
Paliwanag ng departamento, may sinusunod na panuntunan ang RWPB bago magbigay ng rekomendasyon.
Susmaryosep, may timeline din ang kumakalam na sikmura ng mga Pilipino! Sabi nga ng isang lumang kawikaan – “Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo?”
