Nagdaan ang Mahal na Araw at mahaba rin ang naging bakasyon ng karamihan. Walang pasok mula noong Huwebes Santo kaya’t malamang nakarami ng pahinga ang karamihan. Nawa’y ang oras na ito ay nagamit ng maayos kasama ang pamilya ng bawat isa. Sana’y nagamit din ito ng maayos ng mga namumuno sa ating bansa upang mapag-isipan at mapagnilay-nilayan ang mga maaaring maging solusyon sa napakaraming problemang hinaharap ng ating bansa sa ngayon. Samu’t saring problema sa transportasyon, supply ng kuryente at ng tubig, presyo ng mga bilihin, at kung anu-ano pa ang naghihintay na solusyon mula sa ating gobyerno.
Ang mga suliraning ito sa lipunan ay direktang konektado sa ginhawa o hirap ng pamumuhay ng bawat isang mamamayang Filipino kasama ng iba pang mga naninirahan dito sa ating bansa. Nariyan ang naging problema sa transportasyon dahil sa ilang araw na paghinto ng operasyon ng MRT. Lalong tumindi ang trapiko at naging kaawa-awa ang mga komyuter na karaniwang sumasakay sa MRT dahil sa pagkasira nito. Marami ang nahirapang makasakay at makabiyahe. Tiyak, marami ang hindi nakapasok sa oras sa kani-kanilang mga trabaho. Baka nga ‘yung iba ay hindi na talagang nakapasok. Gaya ng mga nakaraang Semana Santa, marami ang nagsipag-biyahe upang magbakasyon. Bunsod nito, lalong bumibigat ang takbo ng trapiko at nagkakaroon ng paghaba ng mga pila sa loob mismo ng paliparan na minsan ay nagiging dahilan upang magahol sa oras ang mga bumibiyahe. Sana ay magpatuloy ang mga proyekto ng gobyerno ukol sa pagkakaroon ng karagdagang paliparan at iba pang mga imprastraktura na makakapagpagaan ng trapiko sa bansa. Nariyan din ang problema pa rin sa supply ng tubig na hanggang ngayon ay hindi pa nakababalik sa normal. Napakainit pa man din ng temperatura ng panahon ngayon. Dagdag pa riyan ay ang nangyaring pagkakaroon din ng problema sa supply sa kuryente dahil sa mga plantang nagkasabay-sabay sa paghinto ng operasyon na nagresulta sa pagpapatupad ng rotational brownout sa loob ng ilang araw. Nagtataasan din ang presyo ng ibang pangunahing pangangailangan gaya ng bigas at gasolina. Nakakalungkot na ganito katindi at karami ang mga problemang kailangang solusyonan ng ating pamahalaan.
Maraming mga proyekto ang umuugong sa ngayon kasama rito ang ukol sa kalusugan na pagkakaroon ng Universal Health Care na sana’y matuloy na sa lalong madaling panahon. Magiging napakalaking tulong nito sa ating mga kababayan lalo na sa mga kapuspalad. Sana lahat ng proyekto ng pamahalaan na maaaring maging solusyon sa mga malalaking problemang kinakaharap natin sa araw-araw ay mapagtuunan ng karampatang atensyon. Sana ay magkaroon na ng desisyon ukol sa karagdagang reserba ng tubig na siyang magiging malaking tulong upang masigurong hindi na mauulit ang nangyayaring krisis sa supply ng tubig sa bansa. Dala-dalawang proyekto ang umuugong tungkol dito at sana’y madesisyonan na sa lalong madaling panahon dahil ang tubig ay buhay. Kailangan natin ito upang mamuhay ng normal. Sana rin ay madesisyunan na ang mga nakabinbin na kontrata ng supply ng kuryente upang masigurong matutugunan nito ang tumataas na demand ng kuryente sa bansa. Sa patuloy na pag-unlad ng ating bansa at sa patuloy na pagdagdag ng mga imprastraktura ay nangangahulugan na tataas din ang demand sa kuryente kaya’t kailangan natin ng mga bagong planta ng kuryente na dadagdag sa supply na umiikot sa bansa. Kinalaunan din, ang mga bagong mga plantang ito ng kuryente ang siyang papalit sa mga luma at matatandang planta na hindi magtatagal ay mangangailangan nang mamahinga. Kung hindi ito agad maaaksyunan, hindi malayong maulit ang nangyari noong panahon ng 90s kung saan talamak ang brownout dahil salat ang supply ng kuryente.
Napakaraming magandang plano ng ating pamahalaan na siyang pinaniniwalaan nilang maghahatid sa atin sa mas mataas na antas ng kabuhayan at mas maunlad na ekonomiya. Nawa’y maging suportado ito, hindi man ng lahat kundi ng mas maraming Filipino upang mas mapabilis ang pag-andar ng mga ito. Sa kasalukuyan kasi, marami ang mga grupo at mga mambabatas na kumokontra sa mga hakbang at proyekto ng gobyerno na tungo sa mas maunlad na Pilipinas. Hindi naman masama ang maging mapanuri ngunit kung wala namang alternatibong solusyong maibibigay, baka mas makabubuti kung huwag na lamang kumontra sa mga proyektong makatutulong sa pag-unlad ng ating bansa. Dahil ang pagkontra sa mga ito ay nagiging dahilan upang mas bumagal ang pag-usad natin patungo sa kaunlaran. Sana’y nitong nagdaang Semana Santa, sa pagninilay-nilay ng bawat isa, ay maalala natin kung gaano kahalaga ang pagkakaisa sa pagkamit ng kaunlaran na matagal ng naging mailap sa ating bansa. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)
223