NANG MAG-ALBURUTO SI INANG KALIKASAN

Psychtalk

Paano ba natin nasabing nag-aalburuto na ang Inang Kalikasan? ‘Di nga ba likas lang na bahagi ito ng kanyang pagi­ging kalikasan?

Oo, bilang kalikasan, may natural itong pagbabago o transpormasyon, bilang isang buhay na organismo. May panahon ng pagkabuhay, pagkasira, pagkamatay, at muling pagsilang. ‘Yan ang natural na daloy sa mundo.

Gayunpaman, ayon sa mga pag-aaral, ay sobrang abnormal ang mga nasasaksihan natin sa ating panahon na mga pag-aalburuto ng kalikasan. Ito ay mga tinatawag na­ting mga sakuna o disaster. Nagkakaisa ang mga eksperto na ang proportion at katangian ng mga ito ay wala sa inaasahan o normal.

Ang konklusyon, ang mga ito ay dulot ng nawalang ba-lanse sa ating tinatawag na ecosystem. Hindi na kinakaya ng kalikasan ang pagsalaula sa kanya dahil sa walang pakundangang pangangailangan o kagustuhan ng tao.

Anu-ano ba ang mga manipestasyon ng pag-aalburuto o paniningil na ito ng Inang Kalikasan? Sa Pilipinas man o sa iba’t ibang bahagi ng mundo, ‘di tayo mauubusan ng mababanggit na sakunang dulot ng kalikasan.

Bagama’t may mga debate pa rin, malakas ang paniniwala na ang pinakatingkad na indikasyon ng pag-aalburuto ng kalikasan ay ang ‘di maawat na napagtaas ng temperatura ng mundo dahil na rin sa pagkasira ng ozone layer. High school pa lang ako tinatalakay na ito sa klase. Ngayon tinatawag natin itong ‘global warming’ o kaya ay climate change.

At sa huling mga panahon, namalas natin ang mga malalakas na bagyo na nagdulot ng malawakang pagbaha, pagguho ng mga lupa, at pagkawala ng maraming buhay at kabuhayan sa Pilipinas man o sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Mahigit isang dekada na nakararaan noong  pamilya ko mismo ang nawalan ng bahay sa probinsiya dahil sa malakas na bagyong ‘di ko na maalala. Pagkatapos magimbal ang Amerika noong daanan ito ng Hurricane Katrina noong 2005, naranasan din ng Pilipinas ang bagyong Milenyo. Dumating si Frank, si Sendong, si Ondoy, at ang pinakamalakas, si Yolanda.

Pero sa dami na nang hagupit na ipinatikim sa atin ng Inang Kalikasan, tila hindi totoong natututo ang tao. Wala pa ring makabuluhang programa para solusyunan ang mga isyung pangkalikasan. Tila tinatrato na para lang ding pag-init ng mga ulo ng ating mga ina, o ng mga asawang babae ang patuloy na pag-init ng temperatura sa mundo at pagwawala ng panahon. Marahil iniisip, mawawala rin ‘yan, kakalma at huhupa rin.

Ganoon na nga ba katindi ang ating disconnect sa kalikasan at ‘di na natin siya nararamdaman at nauunawaan? Kahit anong papansin niya tila tayo’y mga bingi at bulag. O sadyang tayo’y wala na lang pakialam?  (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

66

Related posts

Leave a Comment