BISTADOR ni RUDY SIM
TILA naging sablay ang pamamalakad umano ng bagong itinalaga ni Department of Justice (DOJ) Secretary Boying Remulla na commissioner ng Bureau of Immigration na si Atty. Joel Viado dahil sa kaliwa’t kanang reklamo ang natanggap ng kanyang tanggapan makaraang nabigyan pa ng magagandang puwesto ang mga tauhan ng ahensya na kilala umanong mga tiwali.
Unang inireklamo sa atin nang paboran umano ni Viado itong si alias “Dunhill” na “bagman” ng nasibak na kume na si Tan5, na manatili sa tanggapan ng commissioner at nabigyan pa ulit ng pagkakataon na humawak ng maseselang papeles ng mga dayuhan kahit ito ay mayroong consultancy agency, kaya nagkaroon ng conflict of interest.
Sa lakas umano nitong si Dunhill ay nabigyan pa ng magandang puwesto ang kanyang kapatid na si alias “Dave” na makabalik sa puwesto at nailigay sa releasing ng i-card ng Alien Registration Division ng BI, na pinaniniwalaang may kitaan dahil sa hawak nilang mga Chinese na kumukuha ng ID para sa working visa. Teka! Hindi ba’t kasama itong kumag na ito na nakasuhan sa Pastillas scandal noong nagdaang administrasyon? Attention! DOJ, Ombudsman at Senator Risa Hontiveros! Marami namang dapat bigyan ng pagkakataon pero bakit ang mga tao na involved sa katiwalian ang inilagay? Magkano kaya ang tara nito?
Samantala, kung maraming natuwa sa pagkakasibak kay Kume Tan5 at nagkaroon ng pag-asa ang mga kawani ng ahensya sa pagpasok ni Viado bilang commissioner, ay dahil sa kanilang inaasahang pagbabago, ngunit tila naging kabaliktaran? Anyare?
Isang open letter ang kumakalat sa ahensya kaugnay sa karaingan ng Immigration Officers sa airport dahil tila hindi aware itong si Kume Viado sa naging rotation sa NAIA 1 at 3 na dapat sanang iwasan ang conflict of interest at sabwatan ng mga opisyales na magkakasama sa iisang terminal at sa parehong shift.
Ilan sa mga ito ay pinangalanan na sina Ma. Cristina Guerrero Rivera at kapatid nitong si Anna Mariquita Guerrero, Justine Gusto at Richel Rhose Bautista Gusto bilang mga midshift primary inspector sa NAIA terminal 1.
At sa terminal 3 naman na sina Francis Beltran at Paula Beltran na mag-asawa; Reimond Lagman at Cherry na mag-asawa rin; Richielle Cris Claveria (supervisor) at Lewie Juego (primary inspector), mag-asawa na naman, at ang mag-ama umano na sina Paula Beltran at Michael Cabrera mula sa BCIU, na pawang nasa mid shift. Naloko na!
Ayon sa liham na ipinarating ng mga empleyado na umaasang may pagbabago kuno sa BI, ang pagsasama ng mga magkakamag-anak sa iisang puwesto ay hindi magandang halimbawa dahil maaaring magkaroon ng sabwatan at ang ilan umano rito ay nasangkot sa pamamasahero sa airport.
Ito kaya ay aaksyonan ni Kume Viado o dededmahin lang? Sino ba itong mga nasa likod ni Viado na hindi man lang mag-research ng dero ng mga taong inilalagay? ‘Di kaya may tara na naman? Gaano kaya katotoo na kayo sa tanggapan ng commissioner, ang gumagawa ng personnel order na dapat ay personnel ang sumasala sa paglalagay ng manpower? Kawawa lang talaga ang maliliit dahil kung hindi kasama sa sindikato ay itinatapon umano sa Bicutan jail at sa main office.
Paano na lang ang maliliit na job order employees at immigration officers na walang malakas na backer? May pag-asa pa bang makaangat ang mga ito o sadyang hindi na mababago ang maruming kalakaran sa ahensya?
Sa ahensya ay mayroong dalawang klase ng tao, tumatanggap dahil nakatulong, at tumanggap dahil sa extortion, kaya may kasabihan sa ahensya na kung aalisin ang lahat ng tumatanggap dito ay walang matitira na empleado, maging ang mga janitor, “bato-bato sa langit ang tamaan, buti nga!”
Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text ako sa 09158888410.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
94