PANUKALANG BATAS NI TEVES, WRONG TIMING

BISTADOR Ni RUDY SIM

UMANI ng iba’t ibang reaksyon sa social media mula sa netizens ang panukalang batas sa 19th Congress ni Negros ­Oriental, 3rd district Representative Arnolfo Teves Jr. na mas nararapat umanong ipangalan ang ating paliparan kay dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Marami sa mga netizen ang pabor na palitan ang ­kasalukuyang pangalan ng pambansang paliparan ng bansa ngunit mayroon ding mga ­tumutol dito kabilang sina ­Senador Risa Hontiveros at ang anak ng ­talunang kandidato na si Atty. Leni Robredo na si Tricia na agad na binatikos ang pamahalaan kahit walang kinalaman dito si Pangulong Bongbong Marcos Jr.

Sinabi naman ni Hontiveros na hindi dapat palitan ang pangalan ng NAIA dahil ito raw ay pamana sa kabayanihan ni Ninoy Aquino at alaala ng ­People Power Revolution? Weh, ‘di nga?! Ano ba ang ­kabayanihan na nagawa ni Ninoy sa ating ­bansa, ang nakipagsabwatan sa makakaliwang grupo kung kaya’t nakasuhan at nakulong kasama ni CPP founder Joma Sison noong panahon ng Martial Law? Bakit kaya hanggang ngayon ay pilit na itinatago ng dilawan ang ilang itinagong pahina ng ating kasaysayan?

Dalawang Aquino ang naging pangulo ng ating bansa ngunit naresolba ba nila kung sino ang talagang mastermind sa pagkakapaslang kay Ninoy sa airport noong August 21, 1983 o ito’y itinago na lamang? Bakit sino ba ang tumulong kay Ninoy upang mapawalang sala ito sa kanyang kaso at payagang magpagamot sa ibang bansa, hindi ba’t si Marcos Sr.?

Bagama’t tahimik ang Palasyo sa isyu ng panukalang batas ni Teves ay abala pa rin sina PBBM at Executive ­Secretary, Atty. Vic Rodriguez na unahin muna ang kapakanan ng sambayanan upang maresolba ang kanilang sinalong problema mula sa administrasyon ni PRRD kaugnay sa walang tigil na ­pagtaas ng presyo ng mga bilihin at paghina ng piso.

Sa ilang linggo pa lamang na trabaho ni PBBM ay nagkaroon na ng rollback sa presyo ng petrolyo at pagbaba sa ­singil sa kuryente at tila bigo ang ilang miyembro ng dilawan at makakaliwang grupo na muli nilang malason ang isipan ng sambayanan para magkaroon ng people power kagaya sa nangyayari ngayon sa bansang Sri Lanka kung saan ay kanilang napasok ang presidential palace at napatalsik ang kanilang pangulo at prime minister dahil sa kapalpakan ng ­gobyerno na nagdulot ng pagkagutom ng marami.

Ayon naman kina Senador Zubiri at Senador Gatchalian, posibleng hindi makialam si PBBM sa isyu ng pagpapalit ng pangalan ng NAIA dahil ito ay magiging political war. Ngunit mas maganda aniya kung ibabalik ito sa orihinal na pangalan nito na Manila International Airport (MIA) na mas kilala sa ibang bansa kaysa NAIA.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

28

Related posts

Leave a Comment