PANUKALANG BUWANANG P10-K SA MGA NANAY, PAGTUTURO NG KATAMARAN?

POINT OF VIEW

Nakatawag pansin sa akin ang panukalang batas na inihain sa Kamara ni Star for All Season at kasalukuyang Batangas Rep. Vilma Santos-Recto na naglalayon na pagkalooban ang mga nanay ng tig-P10,000 buwanang financial allowance.

Sakaling maging batas na ito, maraming mamamayang Filipino ang matutuwa lalo na ang mga kababaihan dahil maging nanay ka lang, tatanggap ka na ng P10, 000 monthly allowance mula sa gobyerno. Parang ang saya-saya ng buhay.

Ito ay nasa ilalim ng House Bill (HB) 4070 o “Providing for Compensation for Stay-at-Home Housewives and Homemakers” na iniakda ni Batangas Rep. Ate Vi.

Sa paliwanag ni Santos-Recto, hindi matatawaran ang sakripisyo ng mga nanay sa loob ng kanilang bahay sa pangangalaga sa kanilang pamilya at ginagawa ng mga ito ang lahat ng trabaho sa loob ng bahay tulad ng pagluluto, paglalaba, pagba-budget, paglilinis at kung anu-ano pa, kaya nararapat silang bigyan ng financial assistance bilang siguro ay pampalubag-loob.

Aniya, ang makikinabang na nanay ay yaong mga wala talagang kinikita at umaasa lang sa kakarampot na sa sahod ng kanilang asawa.

Napakaganda ng layu­nin ng panukala ito, subalit maraming negatibong epekto ang lilikhain nito sa ating lipunan gaya ng corruption, magtuturo ng katamaran sa pagsisikap sa buhay at maging sa pag-aaral ng mga kabataan, maging paalala at maagang pag-aasawa.

Isa pa mayroon na namang programa ang gob­yerno sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), kung saan ang bawat household na may tatlong anak na mga nag-aaral pa ay tumatanggap ng P1,400 kada buwan.

Sa 4Ps nga lamang ‘di naman kalakihan ang tinatanggap na halaga subalit nababalot ito ng iba’t ibang katiwalian at korupsiyon kaya hindi lahat ng mga lihitimong mahihirap ay nakakatanggap nito. Partikular lalo siguro sa nanay sa financial assistance, malaking halaga ang P10,000 kaya malabong walang katiwalian na magaganap pagdating sa barangay level.

Tiyak marami ring mga kabataan na tatama­ring mag-aral at iisipin ang maagang pag-aasawa dahil magkaanak o maging nanay lang sila at makakakuha na ng P10,000.

Bakit sa halip na mag-isip ng ganitong mga panukala ang ating gobyerno, bakit hindi sila mag-isip ng mga magandang livelihood program na makatutulong? ‘Yung livelihood na hindi makukurap, dapat na alagaan nang mabuti ng gobyerno tulad sa pag-aalaga ng mga pribadong kompanya sa kanilang puhunan upang tu­magal at maraming makikinabaang. Maganda talaga ang kasabihan, na mas makakabuting turuan ang tao na mangisda, kaysa  bigyan lang sila ng isda. (Point of View / NEOLITA R. DE LEON)

164

Related posts

Leave a Comment