PASASALAMAT SA AMA

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

ANG tao, madalas kapag maayos ang kanyang kalagayan, nabibili ang kanyang gusto ay nakalilimutan na mayroon tayong dapat pasalamatan, walang iba kundi ang ating ama, ang Panginoon.

Araw-araw nagtatrabaho tayo para sa ating mga pamilya, pinag-aaral natin ang ating mga anak, pinakakain natin sila ng masasarap, binibilhan natin ng kanilang mga pangangailangan, pero kulang pa rin, hindi tayo masaya.

Bakit? Kasi may kulang, kulang sa pagbibigay-pugay sa nagbibigay sa atin ng pagpapala, kulang pasasalamat sa ibinigay sa ating kasaganaan at kaligtasan sa araw-araw nating mga ginagawa.

Ibinibigay natin sa ating pamilya, pinagsisikapan natin na maging maayos ang ating pamumuhay, ni minsan ‘di tayo nakaalala na mayroon pala tayong dapat pasalamatan sa lahat, ang Ama nating nasa langit.

Abala tayo sa pagkakakitaan para mabigyan natin ng maayos na pamumuhay ang ating mga pamilya.

Abala tayo sa negosyo, trabaho at iba pa dahil ayaw natin na magutom ang ating mga pamilya.

Pag-uwi natin sa ating mga bahay, matutulog tayo sa gabi at paggising natin kinabukasan, negosyo at trabaho na naman tayo.

Ni hindi man lang tayo nakaisip na mayroon palang pinakamahalaga na dapat nating gawin, ang magpasalamat sa Kanya (Panginoon), Siya ang dahilan kung bakit malakas ang ating mga katawan, hindi tayo nagkakasakit, nakauwi tayo nang maayos sa ating mga pamilya dahil sa kanyang proteksyon.

Pero pag tayo ay may problema ay saka lang natin siya naiisip. Sinasabi natin Lord, tulungan mo ako na gumaling ako sa aking sakit, Lord, bigyan mo ako ng mahabang buhay para sa aking pamilya.

Sa madaling sabi, nagiging mabait tayo kapag may karamdaman tayo.

Bakit hindi ba natin kayang maging mabait habang tayo ay malakas?

Nagiging madasalin lang tayo kapag may karamdaman tayo.

Sa ating panulat dito sa SAKSI NGAYON ay titiyakin natin na paglilingkuran natin ang ating mga kababayan.

Dahil ‘pag minahal natin ang ating kapwa ay minahal na rin natin ang ating Panginoon.

Sa “AT YOUR SERVICE” ay bukas tayo sa mga suhestiyon at tulong sa ating mga kababayan.

Noon pa man hanggang ngayon ay tumutulong na tayo sa simbahan at mamamayan na nangangailan ng tulong.

 

203

Related posts

Leave a Comment