PARANG nakawala sa koral ang marami nating kababayan nitong nakaraang Semana Santa o Holy Week, na nagsipagtunguhan sa mga probinsiya, lalo na sa mga may baybaying dagat.
Ito Ang Totoo: tuwing Semana Santa naman talaga ay gawi ng mga Pinoy na magsipag-uwian sa mga kamag-anak sa probinsiya at iyong iba ay dala ang buong pamilya na mula sa kalunsuran tungo sa kanayunan.
Maging ang mga nasa probinsiya na ay magsisipunta pa sa resorts o kahit na anong mapapasyalan sa paligid ng kanilang kabayanan.
Ito Ang Totoo: tuwing Semana Santa ay nagkakabuhol-buhol ang daloy ng mga sasakyan sa mga lansangan, kasama na ang mga expressway, pero lalong-lalo na sa mga pangkaraniwang highway.
Sa mga expressway tulad ng NLEx, SLEx, SCTEx, etc. ay nagkaka-traffic kapag may aksidente na bumara sa daan.
Pero sanhi rin ng traffic ang kawalan ng disiplina ng mga nagsisilabas ng toll exits na sumasakop sa halos lahat na ng lanes, kaya ang mga padiretso pa ay nahaharang at naaabala.
Ang aksidente, hindi natin masyado makontrol. Kailangan lang na agad na may magmamanage ng area para hindi mabalahura ang ibang motorista, at siyempre, matulungan at mailigtas ang mga biktima.
Pero ang kawalan ng disiplina, pwedeng aksiyunan ng mga kinauukulan. Madali naman malaman ang potential “choke” points kaya kung “advanced” mag-isip ang management ng mga kumikita ng limpak-limpak na salapi sa toll fees na expressway operators, makakapagplano para mapanatili sa kani-kanilang lanes ang mga motorista.
Ito Ang Totoo: ang mga highway naman na hindi expressway ay dapat ding pinagtutuunan ng pansin. Para kasing expressway lang ang kilalang highway ng mga kinauukulan at sa mga regular na highway, bahala na si Batman.
Malaking bahagi ng sanhi ng traffic sa mga regular highway ay ang mga nakaparadang sasakyan, sa ibang lugar ay may talyer o tindahan pa na dapat sana ay bahagi pa ng daan. Ito ay madaling makita ng PNP Highway Patrol pero parang wala lang, kahit meron.
Iyong mga mayor at barangay tagay, dedma rin, lalo na may eleksyon na parating.
Ito Ang Totoo: napapanahon na para seryosohin ang pagma-manage ng mga highway sa bansa, kasama at lalo na ang mga regular, hindi lang sa expressway.
At siya nga pala, dapat ding malaman ng enforcers, kung hindi pa nila alam, na ang traffic violation ay hindi lamang over-speeding, meron ding “road hogging”, iyong nagbababad sa kaliwa o outer lane na dapat ay passing o overtaking lane lamang.
Napakarami ang nakapagtataka na nagkaroon ng lisensiya sa pagmamaneho na hindi alam na hindi sila dapat nakababad sa overtaking lane. Sanhi rin ito ng aksidente at wala kasing hinuhuli o natitikitan kaya hayan, kahit government vehicle ay gumagawa niyan.
Ito Ang Totoo!
269