Ang magbigay ng kahit kaunting ayuda o tulong sa mga kapuspalad nating katutubong Aeta sa Barangay Sapang Uwak Porac, Pampanga ay nagpapakita ng pagkalinga, malasakit at kasersoyohan ng Alagang Kapatid Foundation Inc.
Maraming salamat AKFI sa pangunguna ni Ms. Menchie Silvestre kasama si Claire Jacob ng Sales Department at Production ng AKFI!
Higit na nagpapasalamat din ang TV5 group sa pamunuan ng Peace Camp sa pangunguna ni retired Army Colonel Samuel Sagun.
Ang Peace Camp ay isang rehistrado at lehitimong grupo na nagtataguyod ng kapayapaan, edukasyon, pagkakaisa at malasakit para sa mga kababayan nating Aeta tungo sa maunlad at masiglang pamayanan. Higit sa lahat, ang maibandila ang kanilang angking kakayahan at kultura sa pangangalaga ng kalikasan tungo sa maunlad na turismo sa Barangay Sapang Uwak at mga karatig pook nito.
Ayon kay Sagun, welcome sa kanilang Peace Camp ang lahat ng gustong bumisita rito upang makasalamuha sa mga Aeta kung saan ibabahagi sa inyo ang angking galing nila sa jungle survival. Gusto ninyo bang makilala ang mahigit 90-anyos nang si Apo Jungle na nakakapangaso pa ng baboyramo sa paligid ng Mt. Pinatubo? Bumisita kayo sa Peace Camp at kontakin ninyo lang ako.
Kahit hindi napaghandaan ay nagawang makapagbigay ang AKFI ng food packs sa 30 pamilyang Aeta sa Sapang Uwak na lubos ang kanilang galak sa konting ayuda. Pinasaya rin ng grupo ni Ms. Menchie ang mga batang Aeta sa pamamahagi ng mga laruan at gamit pang-eskuwela pero sa pamamagitan ng pagpapakita ng talent ng mga bata.
Napag-usapan din namin ang posibilidad na maging magkatuwang ang Peace Camp at AKFI sa mas malalim na pakikipamuhay sa mga katutubong Aeta upang lubos na matulungan ang mga ito na makaangkop sa kasalukuyang panahon.
Halimbawa, biruin mong may dalang binhi ng samu’t saring gulay ang AKFI na ipinamahagi sa mga Aeta! Kapansin-pansin na kabahagi ng pagtulong ng AKFI ang maghatid ng pangmatagalang programa para sa mga kapatid nating Aeta. Ganito dapat ang gawin ng iba pang grupo na gustong umayuda sa mga dapat nating tulungang sektor ng ating lipunan na nangangailangan ng tulong at gabay bukod sa pansamantalang pakinabang.
Target ng Peace Camp at AKFI na magdala rin ng medical and dental mission at feeding activity sa Sapang Uwak at hihingin ang tulong ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Para sa mga katutubong Aeta ng Sapang Uwak hindi nila alam kung ano ang PCSO, buti na lang at dinala tayo roon ni Col. Sagun kasama ang AKFI.
Uli, maraming salamat Peace Camp at AKFI sampu ng Sales and Production Departments ng TV5 para sa mga katutubong Aeta ng Sapang Uwak! (Bago to! / FLORANTE S. SOLMERIN)
319