HALAGA NG ASUKAL AT BIGAS KATUMBAS NG TRABAHO NG MAGSASAKA

USAPANG KABUHAYAN

Isa sa mga plano ng ating economic managers na gustong ipatupad na sa lalong madaling panahon ay ang pag-aalis ng limitasyon sa dami ng inaangkat na­ting asukal.

Sa totoo  lang ay matagal nang nakatali ang Pilipinas sa patakaran na tanggalin ang mga limitasyon sa laki ng mga inaangkat nating produkto mula sa ibang bansa sa ilalim ng free trade agreements na pinirmahan ng halos lahat ng bansa para sila ay makasali sa World Trade Organization (WTO) noong 1995.

Walang option ang ating pamahalaan noon dahil ang hindi pagsali sa WTO ay may mas malaking panganib sa mga industriya at sa mga sakahan sa ating bansa. Isa rito ay ang parusa na sarhan ng mga bansang binebentahan natin ng ating mga produkto o hindi kaya ay ang pagpapataw ng napakalaking buwis at taripa para hindi bilhin ng mga mamimili sa bansa na iyon ang ating produkto.

Ito ang problema ngayon sa industriya ng asukal at bigas dahil mas malaki nang todo ang gastusin ng mga magsasaka natin kumpara sa kanilang mga kapwa magsasaka sa ibang bansa.

Sa kaso ng asukal, mas mura ang presyo ng asukal galing sa mais at iba pang produktong galing sa lupa sa Amerika at Brazil dahil sa laki ng volume ng mga inaaning mais sa dalawang bansa kumpara sa laki ng inaaning tubo sa Pilipinas na siyang tanging surce ng asukal sa ating bansa. Ito ay sanhi ng nagpatung-patong na ang mga ma­ling paraan ng pagsasaka na ayaw palitan ng mga magsasakang takot sa bagong teknolohiya at pamamaraan gaya ng mekanisasyon at mga bagong pestisidyo at ang ating pagtanggi sa mga binhi na genetically-modified o GMO na kalat na kalat sa Amerika at Brazil dahil mas malaking todo ang ani mula rito.

Dahil mas mura ang asukal sa Amerika at Brazil, mas gusto pa ng ating mga negosyante na tanggalin na ang limitasyon sa pwedeng maiangkat na asukal dahil mas bababa ang presyo ng kanilang produkto gaya ng mga softdrinks, tinapay, pandesal, mga de-latang pagkain at mga candy na gustung-gusto ng mga Filipino.

Kaya lang, delikado naman na bumagsak na nang todo ang industriya ng asukal sa Pilipinas, lalo pa’t  80 porsyento ng ating magsasaka ng tubo ay mga bagong benepisyaryo pa lang ng agrarian reform at hindi pa sanay sa pagne-negosyo. Hindi na bale ang mga negosyo ng mga da­ting haciendero na ngayon ay may kontrol ng bilihan ng asukal, pero ang nasa panganib ay ang kabuhayan ng mga magsasaka.

Ikaw, mas gusto mo ba ang mas murang bilihin o ang panatilihin ang trabaho ng ating mga magsasaka? (Usapang Kabuhayan / BOBBY CAPCO)

106

Related posts

Leave a Comment