PHILHEALTH MAS PINALAWAK BENEPISYO SA MGA PILIPINO

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

ANG medical profession, na kinabibilangan ni Dr. Tony Leachon, ang numero unong kritiko ng PhilHealth excess funds transfer, ay ginagabayan ng kasabihan na “primum non nocere” o “first, do no harm” sa English.

Hindi lang nakatali sa apat na sulok ng mga ospital ang prinsipyong ito dahil ang sinomang pinagkatiwalaang mahawakan ang kapakanan ng publiko, tulad ng isang doktor, ay dapat laging inuuna ang kapakanan ng kanyang mga pinagsisibilhan. Pero itong si Doc Tony, imbes na makatulong sa paggamot ng mga sakit ng lipunan ay tila nakapagpapalala pa, lalo’t malabnaw ang kanyang mga argumento laban sa paggamit ng pamahalaan sa idle funds ng government-owned and controlled corporations tulad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Sinasaling pa niya ang sugat ika nga.Ang pinag-uusapang halos P90 bilyon mula sa PhilHealth ay sobrang pondo o hindi nagalaw na alokasyon mula sa national government at hindi ito kontribusyon ng mga miyembro.

Sa totoo lang, may P500 bilyong reserba ang PhilHealth para sa mga benepisyo ng kanilang mga miyembro sa mga susunod na taon. Hindi maaapektuhan ng paglilipat ng pondo ang operasyon ng PhilHealth at sa katunayan ay palalawakin pa nito ang mga serbisyo nito para sa mga Pilipino.

Isang halimbawa rito, ang bilang ng generic drugs para sa outpatient treatments ay magiging 53 na mula sa 21 lang at kabilang dito ang mga gamot kontra sa mga sakit na hypertension, nerve pain, at epileptic seizures.

Dodoblehin pa ng PhilHealth ang benepisyo para sa mga pasyenteng may stroke at pneumonia kung saan makakukuha na sila ng coverage na hanggang P76,000. Karaniwan at lubhang delikado ang mga sakit na ito kung kaya’t napapanahon ang magandang balitang ito mula sa health insurer.

Magiging P1.4 milyon na rin ang coverage limit para sa paggamot sa breast cancer mula sa dating P100,00 lang o 1,000% na pagtaas. Napakalaking kaluwagan nito sa sinomang pamilya na may miyembro na may breast cancer dahil nakakabangkarote ng pinansiya ng tahanan ang mga ganitong klase ng karamdaman.

Ayon pa kay Mandy Ledesma, president at chief executive officer ng PhilHealth, isasama na rin nila sa coverage ang chemotherapy para sa lung, liver, ovarian, at prostate cancers bago magtapos ang 2024.

Dahil sa mga ito, lalong lalawak pa ang mga serbisyo ng PhilHealth laban sa mga nakamamatay na sakit at ang mamamayang Pilipino ang magbebenepisyo rito.

Ito ang malaking larawan na hindi nakikita ng mga kritiko na tulad ni Dr. Leachon. Sabi niya, mapipilayan ang PhilHealth dahil sa excess fund transfer at hindi na nito makakaya pang

paglingkuran ang mga kasapi nito pero kabaligtaran ang nangyari at lalong pinaghusay pa ng PhilHealth ang pagseserbisyo nito.

Paalala lang po kay Dr. Tony Leachon, sana’y isapuso mo ang prinsipyong gabay ng iyong propesyon.

 

55

Related posts

Leave a Comment