PUNA ni JOEL O. AMONGO
NA-PUNA natin na patuloy na lumalaki ang sugat sa pagitan ng pamilyang Duterte at Marcos.
Natatandaan natin, unang uminit ang palitan ng patutsadahan sa pagitan nina House Speaker Martin Romualdez na pinsan ni Pangulong Bongbong Marcos, at dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa usapin ng confidential fund ng Office of Vice President at ngayon ay ang People’s Initiative na isinusulong Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Noong nakaraang Linggo, Enero 28, 2024, tinapatan ng mga Duterte sa Davao City ang isinagawang kick-off rally ng Bagong Pilipinas na pinangunahan ng mag-asawang Pangulong Bongbong Marcos at Liza Araneta-Marcos sa Luneta.
Unang nagsalita sa Davao City rally si Mayor Baste Duterte na kung saan ay nanawagan na mag-resign na lang si Bongbong Marcos kung hindi nito kayang ayusin ang mga problema ng Pilipinas.
Pinuna rin ni Mayor Baste na mahinang klaseng presidente si BBM dahil wala itong nagagawang solusyon sa problema sa illegal drugs ng bansa.
Sinundan naman ng kanyang ama na si dating Pangulong Digong Duterte na sinabihan pa si PBBM na bangag na presidente at addict.
Tahasan ding sinabi ni Digong na ang aniya’y nasa likod ng pekeng People’s Initiative (PI). Binabayaran pa umano nina Liza Araneta-Marcos at Speaker Romualdez ang mga tao na pinapipirma nila para sumang-ayon sa pagbabago ng ilang probisyon ng Saligang Batas.
Ayon pa kay Digong, noong mayor pa siya ng Davao City ay pinakitaan siya ng listahan ng mga awtoridad na kasama si Bongbong Marcos sa mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Nagbabala pa si Digong na kung ipagpipilitan ng administrasyong Marcos ang PI ay maaaring magkagulo at magsarili na lamang bilang bansa ang Mindanao at humiwalay sa Pilipinas.
Ayon pa sa dating Pangulo, binababoy ng administrasyong Marcos ang kasalukuyang Saligang Batas ng Pilipinas dahil sa isinusulong nilang PI.
Base sa pagtatanong naman ng PUNA sa maraming tao at sa grupong dating sumuporta kay BBM sa panahon ng eleksyong noong 2022, nadismaya umano sila sa panunungkulan ni Pangulong Marcos dahil wala itong solusyon sa kaliwa’t-kanang pagtataas ng presyo ng mga bilihin.
Imbes na pagtuunan ng pansin ng kasalukuyang administrasyon ang kabuhayan ng mga Pilipino ay ang pagpapalawig pa ng mga ito sa kanilang posisyon sa pamamagitan ng pagsusulong ng PI sa Kamara, ang inaatupag.
Ayon pa sa kanila, hindi sila naniniwala na walang kinalaman si PBBM sa isinusulong na PI ng Kamara.
Kaya maraming naniniwala na ang dating UNITEAM na ginamit noong 2022 presidential election ay tuluyan nang nawasak dahil sa hindi nila pagkakaunawaan sa mga pananaw hinggil sa mga isyu na umiiral ngayon.
Kaya ngayon, maraming nangangamba na kung ipagpapatuloy ang ginagawang People’s Initiative ng Kamara ay maaaring mapalitan ito ng People’s Power (PP) na naging dahilan ng pagbaba ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa kanyang pwesto.
Binanggit din ni dating Pangulong Digong na baka matulad si Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang ama na napababa sa pwesto sa pamamagitan ng people power.
Abangan na lang natin ang susunod na kabanata kung saan hahantong ang palitan ng maaanghang na mga salita ng dating magkakampi na mga Duterte at Marcos.
oOo
Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
160