AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP
MATAPOS na mailathala sa ating kolum ang dinaranas na pag-aalispusta o panghahamak sa ating walong (8) kabayani sa bansang Japan, ay agad na kumilos ang mga opisyal ng Philippine Overseas Labor Office at Overseas Workers Welfare Administration (POLO-OWWA) sa Tokyo Japan.
Agad ipinag-utos ng POLO-OWWA sa Foreign Recruitment Agency (FRA) nito na sunduin ang 8 OFWs sa kumpanyang pinapasukan nito upang dalhin sa embahada. Bago pa man sila nadala sa embahada ay nagkaroon muna ng maiksing pagtatalo dahil ipinipilit ng kinatawan ng FRA na tatlo lamang diumano ang susunduin nito para dalhin sa embahada na mariing tinututulan ng ating mga kabayani dahil ang kanilang kagustuhan ay dalhin silang walong OFW upang personal na makapagreklamo sa embahada.
Napagkasunduan ng FRA at ng 8 OFWs sa Japan na ihahanap na lamang sila ng ibang kumpanya na maaari nilang paglipatan. Ilan sa mga ito, kabilang si OFW John Paul, ay nagpasabi na uuwi na lamang siya sa Pilipinas dahil sa hindi nito makalimutan na trauma sa kamay ng mga Hapon na mistulan siyang ginawang laruan na pinagtatawanan.
Ayon sa mensahe na ipinarating ni OFW John Paul, “pinapili lamang po kami kung aalis at hahanapan kami ng ibang kumpanya… pero uuwi na lang kami sir, pero nahihirapan po kami na magdesisyon na hawak po kami sa leeg ng aming kumpanya. Problema ko ay ang trauma po kasi baka sa susunod ay ganun na naman ang mangyari at hindi naman kami makakuha ng hustisya dito”.
Si OFW John Paul ay nakarating sa Japan sa pamamagitan ng Placewell Manpower Agency at kasalukuyang nagtatrabaho sa Matsukawa Kensetsu Construction Company bilang construction worker.
Ang AKO-OFW ay nakatutok sa kasong ito ng ating mga kabayani sa bansang Japan upang masiguro ang kanilang kaligtasan at masiguro na kanilang matatanggap ang karampatang hustiya sa kanilang pinagdaraanan mula sa kamay ng mga umalipustang Hapon sa kanilang pagkatao.
SAMANTALA, ating binabati ang mga miyembro at opisyales ng AKO-OFW Kuwait Chapter sa matagumpay na paghahanap ng mga OFW na kanilang bibigyan ng parangal. Layunin ng grupo ng AKOOFW Kuwait Chapter sa pamumuno ni Romano Roman, na bigyang parangal ang mga OFW Kasambahay na naglingkod sa kanilang employer sa mahabang panahon.
Ang nasabing parangal ay ang “Pagkilala sa mga natatanging Bayaning HSWs sa Kuwait” na gaganapin sa Oktubre 23, 2022 sa Best Western Plaza Hotel, Salmiya. Bukod sa mga OFW Kasambahay ay bibigyan din ng pagkilala ang kanilang mga employer na nagbigay ng magandang pagtatrato sa ating mga OFW na naging dahilan upang ang ating mga OFW ay nagtagal sa paghahanapbuhay sa bansang Kuwait. Layunin nito na engganyuhin ang iba pang mga Kuwait employer na gawing maayos ang pagtrato at pagmamalasakit sa ating mga OFW Kasambahay.
