HINDI pa man nakakabangon ang bansa kaugnay sa pag-aalburuto ng Bulkang Taal, panibagong problema na naman ang posibleng kaharapin ng mga Pilipino at ito ay ang pagkalat ng bagong sakit na mula sa bansang China.
Kumalat ang sakit sa Wuhan, China na nakaapekto nang daan-daang katao noong Disyembre 2019 na sinasabing nagmula ang sakit sa hayop na naisalin sa tao.
Ang coronavirus na mula sa China ay sinasabing kamag-anak ng SARS virus na sanhi ng pneumonia at hindi nalulunasan ng anti-biotic kung kaya’t masasabing nakamamatay.
Ayon sa ilang eksperto sa virus, hindi pa tiyak kung gaano katapang ang mikrobyo na tiyak na nakamamatay subalit mas malala ang SARS.
Sa ngayon ang virus na mula sa Wuhan, China ay kumalat na at tumama na sa mahigit 250 katao sa limang na bansa sa Asya kabilang ang China, Japan, South Korea, Thailand at Pilipinas.
Malaki ang epekto sa kalusugan ng tao nitong coronavirus na inaatake ang respiratory system kung kaya’t ang unang sakit na mararamdaman ng taong kinapitan nito ay sipon na sinasabayan ng pagbabara ng ilong, ubo, masakit na lalamunan, lagnat at sakit ng ulo na tumatagal ng ilang araw.
Mabilis na tamaan ng sakit na ito ang matatanda na mahina na ang respiratory system at bata dahil hindi pa masyadong matatag ang mga bahagi ng katawan na gamit sa paghinga.
Kaya nga OKAY ang ginawang pangangalampag ni Sen. Sherwin Gatchalian sa Department of Education (DepEd) kaugnay sa pagsiguro sa kaligtasan ng mga mag-aaral mula sa banta ng bagong coronavirus na nagbibigay ng takot sa ilang bansa sa Asya.
Okay ang ipinagagawang paghahanda ng mambabatas sa mga paaralan upang mabigyang proteksyon ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral.
Lalong okay ang nais ni Gatchalian na imonitor ang kalagayan ng batang mula sa China na ngayon ay nasa Cebu na natukoy na mayroong ilang sintomas ng coronavirus.
Pero hindi Okray ay kapag hindi kumilos ang Department of Health (DOH) at DepEd kaugnay sa pagkalat ng takot sa mga mamamayan kaugnay sa coronavirus.
Okray din ang iniisip ng ilang mga tao na posibleng ang pagkalat ng balita kaugnay sa sakit at kagagawan lang ng ilang kumpanya ng gamot na nais lang mailunsad.
Sakaling totoo, okray talaga ito dahil eto na naman ang ilang negosyante na ginagamit na eksperemento ang tao para lang sa kanilang naisin na magkamal ng limpak na pera. (OKAY O OKRAY / LEA BOTONES)
126