POWER STRUGGLE SA SENADO

SIDEBAR

Kay Senator-elect Imee Marcos ng Nacionalista Party una nating narinig na may mga nagtutulak sa kapartido niyang si reelected Sen. Cynthia Villar na kunin ang Senate presidency at palitan si Senate President Tito Sotto ng Nationalist People’s Coalition (NPC).

Sa isang panayam sa ANC unang binunyag ito ni Marcos at para makaiwas-pusoy dahil nga kapartido niya si Villar ay itinuro si Senator-elect Francis Tolentino ng Partido Demokratikong Pilipino- Lakas ng Bayan (PDP-Laban) na siyang kapural sa pagtutulak kay Villar para maging tagapangulo ng Senado.

Mauugat ang planong pagpapalit ng liderato sa Senado sa pagnanasa ng mga “neophyte senators” gaya nina Marcos at Tolentino na makakuha ng mga major committees bago magbukas ang Kongreso sa ikatlong Lunes ng Hulyo.

Si Senador Panfilo Lacson naman ang nagkumpirma sa Senate media na may mga neophyte senators na sa kabila ng kanilang pagiging bagito sa Senado ay nagpahayag ng kagustuhan na makuha ang ilang piling komite kahit alam nilang hawak ito ng mga beteranong senador.

At dahil batid ng mga neophyte senators na mahihirapan silang makuha ang mga pinagnanasaang komite, mas gugustuhin nilang maging Senate president si Villar nang sa gayon ay sila ang magiging mayorya at makakapamili ng mga komiteng nais nilang makuha. Si Tolentino ng PDP-Laban, halimbawa, ay naghahangad ng anim na committee chairmanships.

Mukhang calculated ang pagbubunyag ni Marcos sa posibilidad na maging Senate president si Villar. May tatlong NP sa Senado — Villar, Marcos at Pia Cayetano. Hindi na kasama sa bilang si Antonio Trillanes dahil graduating senator na ito sa Hunyo 30.

May limang senador naman ang PDP-Laban — Koko Pimentel na presidente ng partido, Manny Pacquiao at mga neophyte senators na sina Bong Go, Bato de la Rosa at Tolentino.

Kung mag-aalyansa ang NP at PDP-Laban, may walong senador na agad sila at lima na lang ang kanilang kukunin para magkaroon ng simple majority na 13 para mailuklok si Villar at matanggal si Sotto.

Sa ngayon ay nagpaha­yag na ng suporta kay Sotto ang dalawang PDP-Laban sa katauhan nina Pimentel at Manny Pacquiao. Si Pacquiao pa nga ang nagpaikot ng resolusyon na sumusuporta sa liderato ni Sotto. Kabilang sa mga pumirma sina Sherwin Gatchalian, Nancy Binay, Sonny Angara, Grace Poe, Joel Villanueva, Panfilo Lacson, Ralph Recto, Miguel Zubiri, Pimentel at Pacquiao.

Pumirma rin sa resolus­yon sina Gringo Honasan, Loren Legarda at Chiz Escudero subalit graduating senators na ang mga ito at hanggang Hunyo 30 na lang sila bilang senador.

Nagpahayag din ng suporta si Senador Richard Gordon na ang ibig sabihin, may 11 senador si Sotto o 12 kung kasama ang Senate President. Kaya marahil nagkainteres si Villar sa Senate presidency.

Ito ang sabi ni Villar sa resolusyon na pinaikot ni Pacquiao: “Bakit ako pipirma d’yan kung ipahamak ninyo ang aking kapartido? Ako nakapirma d’yan. Hihintayin ko na maayos si Pia at si Imee. Di ba tama ‘yun? Huwag ninyo ako idadamay sa away ninyo. Bakit hindi ninyo kausapin si Sotto at mga kapartido niyo para matapos ang gulong ito? Bakit ako isasali ninyo?”

Nagpahayag si Gordon ng pangamba na baka ma­ging “money race” ang Senate presidency dahil sa pagpasok ni Villar na topnotcher noong nakaraang eleksyon at siya ring pinakamayamang senador.

“I hope this will not happen in the Senate (money race). But if it will, I will definitely be the first to expose it. Political ideology and not personality should still be the main consideration in the choice of a Senate leadership,” paliwanag ni Gordon. Ano nga kaya? (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

132

Related posts

Leave a Comment