Hindi pa man natatapos ang May 13 midterm elections ay mainit na ang mga diskusyon hinggil sa mga posibleng tumakbo sa pagkapangulo sa 2022 kung kailan magtatapos ang anim-na-taong termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ngayon pa nga lang ay pumuputok na ang pangalan ni presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio bilang isa sa mga “presidentiables” at mismong si Senador Panfilo Lacson ang nagsabing kwalipikado si Mayor Sara bilang pangulo ng bansa.
Maging si reelectionist Senator Sonny Angara ay suportado rin si Mayor Sara sa pagkapangulo dahil ngayon pa lang ay kinakitaan na ang alkalde ng mga katangian ng isang presidente kabilang na ang kanyang pagiging campaign manager ng Hugpong ng Pagbabago senatorial ticket.
Marami nga ang nagsasabi na ang pagbuo ni Mayor Sara ng Hugpong at ang pagiging campaign manager niya ng senatorial ticket nito ay preparasyon sa 2022 dahil sa oportunidad na makaikot siya sa buong bansa kasama ang kanyang mga kandidato sa pagkasenador.
Sa ngayon ay wala pang kategorikal na tugon si Mayor Sara tungkol sa posibilidad ng kanyang pagtakbo sa pagkapangulo sa 2022. “As I have said, the best time to decide is January 2021, six months before the filing of candidacy.”
Bukod kay Mayor Sara, napapabalita ring may planong tumakbo muli sa pagkapangulo si Senador Grace Poe lalo pa’t nananatili pa rin ang kanyang popularidad sa mga botante na makikita sa mga surveys kung saan nangunguna pa rin siya sa mga kumakandidato sa pagkasenador.
Wala ring partido si Grace Poe at ang kanyang kampanya sa pagiging reeleksyunistang senador ay sariling kayod kaya maraming nagsasabing parang “dress rehearsal” ito sa napipintong muling pagtakbo sa panguluhan sa 2022.
Siyempre, hindi rin puwedeng isantabi si Vice President Leni Robredo na nananatiling pag-asa ng Liberal Party na makabalik sa poder sa 2022.
Pero kung si Pangulong Duterte ang tatanungin, ang napipisil niya sa pagkapangulo sa 2022 ay si dating Senador Manny Villar na kanyang personal na iniendorso sa isang proclamation rally ng PDP-Laban sa San Jose del Monte, Bulacan kamakailan.
Ito ang eksaktong sinabi ni Pangulong Duterte: ”Sabi ko sa kaniya (Manny Villar), kung magtakbo ka, sa iyo ako.”
Mukhang tumatanaw lang ng utang na loob si Duterte kay Villar dahil ang dating senador at ang kanyang asawang si Senadora Cynthia ay nagtulak din sa dating mayor ng Davao City na tumakbo sa pagkapangulo.
Naging magkaibigan sina Duterte at Villar noong 11th Congress kung saan congressman ng Davao si Duterte samantalang House Speaker naman si Villar matapos suportahan nito at magbigay rin ng pera kay Vice President Joseph Estrada na siyang nanalong presidente noong 1998.
Unang tumakbo sa pagkapangulo si Villar noong 2010 kung saan natalo siya kay Pangulong Noynoy Aquino at pumangatlo lang sa karera kasunod ng second-place na si dating Pangulong Erap.
Ang tanong na nga lang ay kung matutukso ba ulit na tumakbo si Manny Villar sa pagkapangulo sa 2022 gayung wala pang talunan sa pagkapangulo sa Pilipinas na tumakbo sa ikalawang ulit na nanalo. Abangan… (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
227