RAMDAM N’YO BA ANG PAGBABA NG INFLATION?

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Ang sabi ng gobyerno, bumaba sa 2.7% ngayong Hunyo ang dating 3.2% na inflation noong Mayo. Ang inflation ay ang pagtaas at pagbaba ng presyo ng mga produkto sa merkado. Ang tanong, ramdam ninyo ba ang sinasabi nilang pagbaba nito? Magandang balita sana kung totoong bumaba ang presyo ng bilihin. Pero sa realidad, hindi naman bumaba ang presyo ng pagkain at grocery items sa tindahan. Mahal pa rin ang presyo ng isda, karne, gulay, mantika, at iba pang pangangailangan sa bahay. Nagtataasan pa nga ang presyo ng gatas at kape. Grabe pa rin ang taas ng presyo ng produktong petrolyo na lalong nagpapasirit sa pre­syo ng mga bilihin.

Sa katotohanan, walang halaga ang numerong ito sa taumbayan kung wala namang nakikita at nararamdamang pagbaba sa presyo ng bilihin.

Ang nilalabas ng go­byernong ito ay para lamang magbigay ng ilusyon na bumubuti ang lagay ng ating ekonomiya. Ang katotohanan: karamihan sa mga Filipino ay nababalot pa rin sa kahirapan.

Habang ipinagmamalaki ng administrasyong Duterte ang pagbaba umano ng inflation ay kinukubli nila ang nakababahalang katotohanan na ang national outstanding debt o utang ng bansa ngayong Mayo ay nasa P7.915 tril­yon na. Ito ay tumaas ng 15.8% mula noong Mayo 2018 kung saan nagtala tayo ng P6.832 trilyong utang. Ang napakalaking utang na ito ay pinapasan ng bawat Filipino sa anyo ng buwis at sa pagbebenta ng ating likas na yaman at soberanya sa mga bansang pinagkakautangan natin.

Sa kalagayang tayo ay tinutuyo ng mataas na presyo ng bilihin at buwis sa anyo ng VAT sa lahat ng bilihin, agad na pinasa ng Bayan Muna ang panukalang P750 National Minimum Wage, at P16,000 basic minimum salary para sa mga kawani ng pamahalaan. Ang mga panukalang ito ay kahit papaano ay iibsan ang kahirapan ng ating mga kababayan. Ang pagtaas ng sahod at pambansang industriyalisasyon lamang ang tunay na tutugon sa kahirapan ng mamamayan, at hindi ang ilusyon ng pagbaba ng inflation. (Kakampi Mo ang Bayan /  TEDDY CASIÑO)

325

Related posts

Leave a Comment