TARGET NI KA REX CAYANONG
MATINDI ang epekto sa mga Pilipino ng kaliwa’t kanang pagbaha sa iba’t ibang panig ng bansa. Siyempre, dulot daw ito ng pabago-bagong klima.
Mahirap na nga naman kasing i-predict ang panahon dahil halos hindi na malaman kung kailan aaraw o uulan.
May pagkakataon din na kahit mainit ang panahon ay bigla na lang umuulan.
Climate change pa rin ang sinasabing dahilan nito.
Sa Metro Manila naman, iba ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng mga pagbaha. Dahil daw ito sa mga basura at pagbabaw ng Manila Bay.
Ngunit sa ngayon, problema rin ng ilang sektor ang reclamation projects.
Kaya naman, naghain ng resolusyon sina ACT-CIS Party-List Representatives Erwin Tulfo, Jocelyn Tulfo, at Edvic Yap.
Ito’y para paimbestigahan daw ang ginagawang Manila Bay Reclamation projects.
Sinasabing partikular na pinakikilos ang House Committees on National Defense and Security, Ecology at iba pang angkop na komite.
Nais ng mga kongresista na silipin ang implikasyon ng proyekto, hindi lang sa kapaligiran kundi maging sa national security ng bansa.
Kahit daw posibleng magdala ito ng economic activity ay malaki naman ang banta nito sa coastal at marine biodiversity.
“Although the ongoing land reclamation may offer potential economic benefits and development opportunities, it also raises concerns about its environmental impact, such as the alteration of the coastal processes, and the possible effects on water quality and marine biodiversity,” batay sa resolusyon ng mga mambabatas.
Kasama rin sa mga tinukoy sa House Resolution 1171, ang kumpanya na may hawak ng proyekto, ang China Communication Construction Co., ay naisiwalat daw ng World Bank at Asian Development Bank na sangkot sa fraudulent business practices.
Pahayag ni Rep. Erwin, kaisa si Speaker Martin Romualdez sa paghahayag ng pagkabahala sa kung sino ang nagbabantay sa mga Chinese vessel na ito na nagsasagawa ng reclamation.
“A comprehensive inquiry, in aid of legislation, is essential to assess the current status of Manila Bay reclamation projects including their compliance with environmental laws, the potential social, economic and national security consequences,” dagdag pa sa resolusyon.
Sa kabilang banda, habang isinusulat ito, sa pagkakaalam ko ay pinasuspinde na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng reclamations projects sa bansa, kasama na ang mga nasa Manila Bay.
Iisang proyekto na lang daw ang hindi suspendido dahil tapos na raw ang ginawang pag-review sa kontrata nito.
Abangan!
176