Relihiyosong mamamayan ang Filipino, kung istatistika ang pagbabatayan. Higit sa 90% ng ating mga kababayan ay pawang mga Kristiyano. Mahigit 90 milyon ang Kristiyano sa populasyon nating 100 milyon. Mahigit 80% ng ating populasyon ay mga Katoliko. Pilipinas ang nangungunang bansang Kristiyano sa Asya at ikalima sa buong daigdig kung pag-uusapan ang bansang pinakamaraming Kristiyano.
Sa Mindanao naman, nasa 5% ng mga Filipino ay mga Muslim at 1.8% naman ang mga mayroong independent na relihiyon. Kung mayroon mang hindi naniniwala sa relihiyon sila ay nasa .7% lamang o nasa 700,000 katao.
Isa lamang ang ibig sabihin nito, halos lahat ng Filipino ay naniniwala sa Diyos. At dahil naniniwala sa Diyos, ang karamihan sa Filipino ay may takot sa Diyos. Kaya nakapagtataka kung bakit matindi pa rin ang kriminalidad sa ating lipunan. Kagagawan ba ng mga walang pinaniniwalaang Diyos? Marahil, pero marami rin sa kanilang gumagawa ng mga ka¬bulastugan ay mga miyembro ng iba’t ibang relihiyon sa bansa.
Bakit tila walang Diyos na umiiral sa mga buhay ng mga ito? Sadya lamang bang masasama ang mga elementong ito o ang mga taong nasa likod nila? Bunga ba ng kahirapan at kagutuman? Dahil ba sa malambot ang a¬ting batas at hustisya kaya napakadaling isagawa ang mga krimen? Para sa kanila, patay na ba ang Diyos?
Sa ating mga kumakain pa ng tatlong beses sa isang araw, may nasusumpungang tahanan at pamilya, sa a¬ting mga nakakapag-aral ng maayos, may mga kaibigang lubos ang suporta sa atin, naitatanong natin kung bakit nangyayari sa ating kalagitnaan ang ganito.
Nakikita naman natin kung gaano kagutom sa Diyos ang ating mga kababayan, nasa kani-kanilang puso ang pagsisikap na maramdaman Siya sa kani-kanilang buhay upang maisaayos ang kanilang buhay at pamumuhay. Ngunit saan ba nagkukulang? Kapag nagsimula na po tayong tumingin sa tao o sa kagagawan ng tao, nagmimintis ang kung ano mang pag-asa na mapaigting ang pananampalataya dahil nakakalimutan ng tao na sa Diyos dapat ang tingin at hindi sa kapwa tao. Ang pag-ibig ng tao ay nagkukulang, natatapos, ngunit hindi ang pag-ibig ng Diyos na buhay para sa bawat isa, basta manatiling nananampalataya lamang tayo at totoo ang buti. (For the Flag / ED CORDEVILLA)
420