SA MGA WAGI, MANGUNA SA PAGLILINIS NG KALAT BAGO ANG ‘PARTY-PARTY’

EARLY WARNING

Sa mga ganador sa nakaraang halalan, pakonsuwelo n’yo na sa mga talunan ang manguna sa pagtatanggal ng sandamakmak at nagkalat na election paraphernalia at paglilinis ng kapaligiran kesa sa unahin n’yo ang pagpa-party!

Ilan lang sa mga talunan ang makikita natin na maaga pa lang ay tinanggap ang kanilang ‘mapait na karanasan’ at agad nanguna sa pagtatanggal ng kanilang mga ginawang kalat kung kaya tama lang na itong mga nanalo ang dapat gumawa nito bago ang magarbong selebrasyon.

Tiyak may mga nag-iiyakang kandidato na naman habang sumisigaw na sila ay dinaya, etc., at magbabantang magpe­petisyon only just to save faces, ika nga, pero dapat tanggapin n’yo na and move on.

Madali lang ang tatlong taon, maglibang-libang, mamasyal sa maraming magagandang lugar hindi sa ibang bansa ha at kapag malapit na uli ang halalan, magparamdam na agad sa mga botante, trapo-style ba!

Free summer workshops

Umabot sa 680 Navoteño ang sumali sa Navotas Sports Camp Batch 20. Sa bilang na ito, 238 ang nagparehistro sa swimming; 156, basketball; 48, volleyball; 68, badminton; 124, taekwondo; 13, table tennis; 21, judo; 10, track and field at dalawa sa soccer.

Samantala, 335 ang nagparehistro sa annual Summer Youth Program. Nasa 106 ang sumali sa dancing; 99, drawing; 58, guitar playing; 45, theater acting; at 27, arnis.

Parehong pinuri nina Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco ang mga kalahok sa desisyon nilang gawing produktibo ang kanilang bakasyon.

“Natutuwa kami na binigyan ninyo ng panahon ang pagpapaunlad ng inyong mga talento at kakayahan. Hangad naming mag-enjoy kayo sa mga workshop at magkaroon kayo ng mga bagong kaibigan,” anila.

Inilunsad ang nasabing programa noong 2000 noong alkalde pa si Cong. Toby para mahimok ang mga kabataan na tuklasin at payabungin ang kanilang mga talento.

113 Navoteño nagtapos ng Tech-Voc courses

Nasa 113 Navoteño ang nagtapos ng technical-vocational courses na handog ng Navotas Vocational Training And Assessment (NAVOTAAS) Institute.

May 24 trainees naman ang nagtapos at nakatanggap ng national certification para sa refrigeration and air-conditioning servicing, 24, shielded metal arc welding; 10, electronic product assembly and servicing; 11, automotive servicing; 28, bread and pastry production; 16, dressmaking; at 11 sa Korean language class.

“Ang graduation ninyo ay nagpapakita lamang ng magandang kinabukasan na naghihintay para sa Navotas. Patuloy ninyong paunlarin ang inyong sarili at sisikapin naming mabigyan kayo ng oportunidad para maabot ninyo ang inyong potensyal,” ani Mayor JRT. (Early Warning / ARLIE O. CALALO)

180

Related posts

Leave a Comment