Hindi maganda ang pagtanggap ng Pilipinas sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) resolution na naglalayon na imbestigahan ang madugong illegal drug war ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi ito nagustuhan ni Pangulong Duterte at ng kanyang ilang opisyal at tagasuporta, na itinuturing na ito’y pangingialam ng ibang bansa sa mga panloob na kapakanan ng ating bansa na sa tingin nito ay nakakabuti para sa kanyang mga mamamayan partikular sa pakikipaglaban sa illegal drugs at iba pang kriminalidad. Tama naman sila rito.
Kaya agarang kinondena at binatikos ni Duterte, ang bansang Iceland na siyang nag-sponsor sa UNHRC resolution, na may kabuuang 47 miyembrong bansa, 18 ang bumoto ng pabor, 14 ang laban at 15 ang nag-abstaine.
Kinutya ng pangulo ang Iceland sa pagbuo nito ng nasabing resolution, na nakakapagtaka umano na ang isang bansa na walang problema sa kapayapaan at kaayusan ay nais na makialam sa kampanya ng Pilipinas laban sa kriminalidad. Maging ang kanilang Pangulo ay sinabi na kulang sa nutrients dahil ice lang ang kinakain.
Agad namang nagbanta itong si Foreign Secretary Teodoro Locsin na mananagot ang mga bansa na sumuporta sa resolution. Eh bakit ang bansa na umaangkin sa ating teritoryo at nagtangkang lunurin ang 22 nating mangingisda ay wala silang sinasabing ganito?
Kinagat naman ng Palasyo ang panukala at sinabi ng Pangulo na plano nitong putulin ang diplomatic ties kahit alam n’ya na maapektuhan ang may 2,000 overseas Filipino workers sa nasabing bansa.
Sa mga reaksyong ganito ng ating gobyerno ay nagmumukha tayong balat-sibuyas at ipinakikita natin sa mundo na sarado ang ating pag-iisip at ‘pikon’ sa mga puna ng ating mga kalapit at kaibigang bansa.
Bilang miyembro rin ng UN, maging bukas tayo sa pagpuna, panukala at suhestiyon ng mga kaibigan natin at hindi yaong magbabanta agad na puputulin ang ating diplomatic ties. Ganito na lang ba ang dapat nating gagawin sa tuwing may kokontra sa atin? Ang ganitong mga reaksyon ay gawain ng mga makasarili, pikon, at bilib sa sarili na mga tao.
Kasi dapat nating timbangin mabuti ang ating magiging responsibilidad, aksiyon at sinasabi dahil maraming nakakalat na OFWs ang nakasalalay sa iba’t ibang bahagi ng mundo. (Point of View / NEOLITA R. DE LEON)
163