SA PULITIKA RIN PALA ANG TULOY

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MAY salawikain tayong mga Pinoy na nagsasabing “Sa hinaba-haba ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy” na tumutukoy sa isang babae na ang tagal nagpaligaw pero sasagutin din pala ang manliligaw at nagpakasal pa.

Walang ipinagkaiba sa vloggers na sa tagal nilang batikusin ang gobyerno, may plano naman pala maging parte ng sistema ng kanilang kinukutya, sinisiraan para makakuha sila ng maraming followers at pagkakitaan pa ang sumusubaybay sa kanila.

May ambisyon pala ang mga ito na maging politiko rin balang araw kaya nagpakilala sa pamamagitan ng social media at nang akala nila ay sikat na sila dahil sa rami ng kanilang followers, ay sasabak na rin pala sila sa mundong kinukutya nila.

Pero sige, pagbigyan natin, malay niyo sila nga ang makapagpapabago sa maruming sistema ng gobyerno. Kailangan kasing may magsimula dahil kung walang magsisimula ay walang magiging pagbabago.

Pero ito ang katotohanan ha. Ang naghuhumiyaw na katotohanan sa mundo ng pulitika na kapag naka-in ka na, kakainin ka na rin ng sistema lalo na kapag ginutom ka nila at wala kang choice kundi ang makisama at magpatianod sa agos ng tubig.

Marami na akong nakilalang mga senador at congressman na noong tumatakbo pa lamang ay ipinangako nila sa mga tao na kapag sila ay mahalal ay maiiba sila sa mga nakagisnan nating mga politiko sa Pilipinas na pansarili lamang ang mga inaatupag.

Aminado ako na ilan sa kanila ay ibinoto ko dahil baka naman sila ang magsimula ng pagbabago pero alam niyo ba na nadismaya ko at nagsisi sa pagboto sa kanila?

Sa unang isa o dalawang buwan nila sa puwesto, talagang maingay sila. Dami nilang gustong gawin, dami nilang kuda, dami nilang napupuna sa sistema ng gobyerno na dapat baguhin pero bigla silang nanahimik. Bakit?

Dahil one of the boys na sila. Hindi sila magkakaroon ng pondo kapag hindi sila makisama. Hindi sila bibigyan ng magandang puwesto kapag matigas ang ulo nila at hindi ipapasa ang kanilang panukalang batas kapag puro sila batikos.

‘Yung pondo ang importante sa lahat dahil papaano ka makapag-uuwi ng proyekto sa distrito mo o kaya sa mga constituent mo kung hindi bibigyan ng pondo ng mga kasamahan mo? Kaya ang ending, makisama ka na lang sa old boys, ika nga.

Palagay ko hindi lang sa Kongreso nangyayari ‘yan kundi sa mga konseho ng local government units (LGUs) na lingid sa ating kaalaman, mas malalaki ang kanilang pork barrel, este budget sa proyekto kaysa mga congressman, lalo na doon sa mayayamang mga lungsod.

May mangilan-ngilan din sa mga politiko ang maiingay pero pansinin niyo ha, kung kailan patapos na ang kanilang termino saka sila nag-iingay kaya nakadududa ang motibo? May plano lang umakyat sa mas mataas na posisyon.

Nanahimik ng 8 taon sa Kongreso, nagpatianod sa daloy ng tubig, nagpagamit at panay puri sa gobyerno at pagdating ng huling taon saka mag-iingay at babatikusin ang gobyerno na nagbigay sa kanya ng….ewan!

73

Related posts

Leave a Comment