Sumapit na naman ang araw ng State of the Nation Address o SONA ng pangulo, kung saan siya ay mag-uulat ng kalagayan ng sambayanan at kung anu-ano ang mga nagawa ng kanyang administrasyon.
Ngunit, para sa Bayan Muna, dapat makinig ang pangulo sa mamamayan para malaman ang tunay na SONA.
Una, ang pangako niyang pagtatapos sa Endo o sa kontraktwalisasyon, na hanggang sa kasalukuyan ay pahirap pa rin sa mga manggagawa. Buhay na buhay pa rin ang kawalan ng kaseguruhan sa paggawa sa pribado man na kompanya o sa loob mismo ng mga opisina ng gobyerno. Pangakong napako pa rin ang pagpapataas ng sahod sa mga ordinaryong manggagawa at kawani ng pamahalaan. Tanging ang mga paboritong pulis at militar lamang ang nakatamasa ng malalaking pagtaas ng sahod at benepisyo.
Hindi rin umakyat ang kalagayan ng pamumuhay. Katunayan, ayon sa ulat ng Pulse Asia, ang sahod, presyo ng bilihin, at ang trabaho ang inaabangan ng mga tao na iulat ng pangulo sa SONA. Ibig sabihin, ito ang mga tunay na suliranin ng taumbayan na kailangang solusyonan ng gobyerno.
Malinaw na ang mga isyung malapit sa sikmura ang gustong marinig at masolusyunan ng mamamayan sa SONA at hindi ang ChaCha o ang mga negosyong nagpapakita ng pagpapakatuta sa China.
Malinaw din na ang pagtaas ng minimum wage, pagwawakas sa Endo o kontraktwalisasyon, at pagpapababa sa presyo ng bilihin ang gustong marinig ng karamihan dahil naghihirap ang sambayanan at ‘di pa rin tinutupad ni Pangulong Duterte ang kanyang mga pangako.
Nagpakita ng sama-samang lakas ang mamamayang Filipino sa protesta sa SONA. Ito ay simbolo ng kawalan ng tunay na solusyon sa mga suliranin ng bayan at ang papalalang sitwasyon ng mamamayan. Ayaw ng mamamayan ang patayan, Martial Law, dagdag buwis, dagdag presyo, at iba pang pahirap na patakaran. Ayaw ng mamamayan sa pagbenta ng soberanya sa China at iba pang malalaking bansa. Ito ang dapat marinig sa SONA! (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
240