Matapos ang pagsampa ng kasong plunder sa magkapatid na sina Health Secretary Francisco Duque III at Atty. Gonzalo Duque, gusto naman ng mga nagngingitngit na kamag-anak ng Dengvaxia victims na isapubliko ng mga ito ang kanilang 2001-2018 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
May lohika ang mga ito, na nagkakaroon ng tibay ng loob dahil na rin sa suporta ng Public Attorneys’ Office lalo sa pinuno nito na si Chief Percida Rueda-Acosta, dahil anila rito makikita ang patunay kung kanilang idineklara ang kanilang family-owned business na Educational and Medical Development Corp. (EMDC) o hindi.
Sa katunayan, ito ang kanilang ginamit sa pagsampa ng kasong plunder sa Office of the Ombudsman sa Duque brothers dahil na rin sa naging rebelasyon ni Senator Ping Lacson na ang EMDC building sa Pangasinan ay matagal nang pinauupahan sa halagang P529,261.20 kada buwan sa PhilHealth na anila’y maanomalya.
Bukod kay Secretary Duque, na ayon sa record na kanilang nakalap ay isa sa nangungunang stockholder ng EMDC, ang kanyang kapatid na si Atty. Duque na ‘di umano’y lumalabas na representative ng Social Security System administrator sa board of directors ng PhilHealth, bago pa man s’ya maluklok bilang SSS commissioner.
Ayuda sa gurong na-involve sa freak accident
Mismong ang mag-asawang sina Quezon City Councilor Winston ‘Winnie’ Castelo at District 2 Rep. Precious Hipolito-Castelo ang nanguna sa paghahanap ng ayuda-pinansyal upang matulungan ang gurong si Analiza Balmaceda ng New Era High School na nagkaroon ng matinding bone injuries lalo sa kanyang mukha makaraang siya’y mabagsakan ng puno habang nakabakasyon sa Catanduanes.
Anila, hindi sapat ang kanilang naitulong na halaga pero ito’y p’wedeng maging panimula upang makakalap pa ng pondo mula sa mga may busilak na puso at malaking bagay kung makatutulong ang Department of Social Welfare and Development, Philippine Charity Sweepstakes Office at ang PAGCOR.
“I’m doing this because I have a soft spot for teachers. They sacrifice a lot for our children and for the future of our country,” ayon kay Councilor Castelo na dating kongresista.
Dagdag pa nito: “We can help a teacher get back to her feet and resume molding students into productive citizens in no time at all if everybody will lend a hand.” (Early Warning /ARLIE O. CALALO)
309