PAGLABAG SA KARAPATAN SA EDUKASYON ANG PAGPAPASARA NG 55 LUMAD SCHOOLS

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Kamakailan ay iniutos ng Department of Education na ipasara ang 55 ‘lumad schools’ sa Davao Region, na nasa ilalim ng Salugpungan Ta’ Tanu Igkanogon Community Learning Center o Salugpungan.

Iniutos ni Davao City Department of Education Officer on Charge na si Evelyn Fetalvero ang pagpapasara ng mga paaralan ng mga Lumad matapos akusahan ni retired AFP Chief of Staff Hermogenes Esperon at ngayon ay National Security Adviser at Vice Chair of the National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC) na ang Lumad schools ay hindi sumusunod sa curriculum ng DepEd.

Aniya, tinuturuan ng Lumad schools ang mga bata na magrebelde sa gobyerno. Ngunit, matagal nang pinabulaanan ng mga opisyales at guro ang paratang na ito. Katunayan, rehistrado sa DepEd ang Lumad schools, at nakatanggap pa ng samu’t saring mga pagkilala mula sa mga institusyon sa loob at labas ng bansa.

Sa loob ng higit isang dekada, ang Lumad schools ay nagbigay ng edukasyon sa mga Lumad na hindi naaabot ng gobyerno. Kaya naman, hindi makataru­ngan ang pag-issue ng DepEd na suspendihin ang permit to operate ng 55 paaralan ng Salugpungan at malaking paglapastangan sa karapatan sa edukasyon ng mga kabataang Lumad.

Para sa kinatawan ng Bayan Muna at lider ng Lumad na si Eufemia Cullamat, hindi rebelyon ang tinuturo ng mga paaralan kundi ang tunay na kultura at pagpapahalaga sa kanilang lupang ninuno para protektahan ang kalikasan. Sa kanilang pag-aaral ay natututunan ng mga Lumad na dapat nilalabanan ang panghihimasok ng mga malalaking korporasyon ng mga mina, logging at iba pang kampanya na nakasisira sa kanilang lupang ninuno.

Karapatan ng mga katutubong Lumad na magkaroon ng sariling edukasyon na batay sa kanilang ekonomiya, kultura at politika para sa sariling pagpapasya. Dapat ay kagyat na tanggalin na ng DepEd ang suspensyong ito. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

577

Related posts

Leave a Comment