SA pagbaba ng bilang ng arawang tala ng mga positibo sa nakamamatay na karamdaman, muling nagsulputan ang mga naggagaling-galingan na wari ba’y mga dalubhasa sa larangan ng agham.
Ayon sa grupong OCTA, naabot na ang sukdulan ng pandemyang naglugmok sa ating bayan. Batay sa kanilang pakilala, ang husay nila ay matematika – hindi siyensya o medisina.
Sa tinuran ni Dr. Guido David, marami ang bumilib. Marami ang umasang tapos na ang pandemya, kaya naman ang resulta, lansangan muling dinagsa sukdulang magkapalit-palit na nga sila ng mukha.
Giit ni David, maraming bahagi ng bansa ang pababa na ang bilang ng mga pasyenteng tinamaan ng lintek na COVID-19 na mula sa bansang Tsina.
Ano ba talaga ang papel ng Octa? Ang totoo, hindi naman pipitsugin ang grupong OCTA. Katunayan, tunay na matalino ang hanay nila. Pero wala ni isa ang may kakayahang manghula.
Kung tutuusin, mahalaga ang pagtataya kung ibabase lang sa matematika. Pero ang sabihing patapos na ang pandemya, lubhang nakakaduda.
Dangan naman kasi taliwas ang kanilang sapantaha sa tinuran ni Dr. Edsel Salana na higit na kilala bilang isang alagad ng siyensiya at medisina. Ayon Kay Dr. Salvana, posibleng dumoble ang bilang ng hawaan sa kalagitnaan ng buwan ng Pebrero.
Sa puntong ito, sino kaya ang mas angkop na dapat paniwalaan? Kapwa doktor ang titulong bitbit nina Guido at Salvana. Ang kaibahan lang, si Guido ay doktor ng “honoris causa” habang si Salvana ay nagsunog ng kilay sa mahabang panahon sa kursong siyensiya.
Hay naku, keber na lang sa tagisan nilang dalawa. Sa puntong ito, mas angkop na lang na mag-ingat ang lahat sa peligrong nananatiling banta at patuloy na kumakalat.
92